SA kulungan ang bagsak ng isnag mister na sangkot umano sa droga matapos kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio, sinabi ni Valenzuela Police OIC chief P/Col. Joseph Talento na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities ni alyas “Joven”, 51, ng Disiplina Village, Brgy. Ugong.
Nang magawang makipagtransaksyon sa suspek ng isa sa mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), ikinasa nila ang buy bust operation sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Dascil, at sa koordinasyon sa PDEA.
Nang matanggap ang signal mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur-buyer na positibo na ang transaksyon, agad lumapit ang back-up na operatiba saka dinamba ang suspek dakong alas-12:35 ng hating gabi sa Que Balag St., Brgy. Ugong.
Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 10 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P68,000, at P200 cash buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at pitong P1,000 boodle money.
Ayon kay PMSg Ana Liza Antonio, sinampahan nila ang suspek ng kasong paglabag sa Section 5 at 11 under Article II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa pamamagitan ng inquest proceedings sa Valenzuela City Prosecutors Office.
