Isang 29-anyos na babae ang kalaboso matapos mabulgar na pekeng nurse pala at halos isang taon nang ginagamot ang libu-libong pasiyente sa isang ospital sa Florida!
Kinilala ang suspek na si Autumn Bardisa, na inaresto noong Agosto 5 matapos ang imbestigasyon ng pulisya. Ayon sa mga awtoridad, mula Hunyo 2024 hanggang Enero 2025 ay nakapagserbisyo siya sa mahigit 4,000 pasiyente sa kabila ng kawalan ng tamang lisensya.
Kwento ng Flagler County Sheriff’s Office, pumasok si Bardisa sa AdventHealth Palm Coast Parkway noong Enero 2023 bilang advanced nurse tech. Sa papeles, ipinakita pa umano niyang nakapasa siya sa national exam at may lisensya — pero nang i-check, iba pala ang apelyido sa rekord! Depensa niya, bagong kasal siya, pero hindi naman makapagpakita ng marriage license.
Mas lalong nakahinala nang ma-promote pa siya kahit may diperensya sa dokumento. Isang empleyado ang nag-usisa at nadiskubreng expired na pala ang lisensya nito — kaya agad ipinarating sa ospital at sa mga pulis ang kalokohan.
Ngayong kalaboso, haharap si Bardisa sa mabibigat na kaso at iniimbestigahan pa kung paano siya nakalusot sa hiring process ng ospital. LIMUEL TOLENTINO
