Walang magaganap na pagbabago sa 12-man roster ng Gilas Pilipinas para sa krusyal na pagharap nito sa Australia sa FIBA Basketball World Cup 2027 Asian Qualifiers.
Ito ang kinumpirma ni Team Manager Alfrancis Chua bago ang nakatakdang bakbakan ngayong Linggo.
Mananatili ang tiwala ng coaching staff sa line-up na sumabak kamakailan laban sa New Zealand. Pangungunahan ito nina Justin Brownlee, June Mar Fajardo, Scottie Thompson, at Dwight Ramos. Makakasama rin nila sina Chris Newsome, Cjay Perez, Kevin Quiambao, Carl Tamayo, AJ Edu, Calvin Oftana, Juan Gomez de Liano, at Quentin Millora-Brown.
Dahil dito, hindi muna makapaglalaro para sa laro laban sa Boomers sina Justine Baltazar, RJ Abarrientos, at Troy Rosario.
Ayon kay Chua, mahalagang manatili ang paniniwala ng koponan sa kanilang kakayahan. “Laban lang hanggang hindi tapos ang oras. We have to believe na kaya namin at bilog ang bola,” pahayag ng team manager.
Target ng Gilas na makabawi mula sa masakit na 66-63 pagkatalo kontra New Zealand noong nakaraang Huwebes. Ito ang unang pagkatalo ng bansa sa qualifiers matapos ang malinis na 2-0 simula sa Group A laban sa Guam.
Sa huling laro, si Dwight Ramos ang nanguna sa opensa na may 16 points, habang naging mitsa naman ng init si Cjay Perez na may 15 markers. Inaasahan namang babawi ang resident naturalized player na si Justin Brownlee na limitado lamang sa apat na puntos sa nakaraang laban.
Haharapin ng Gilas ang powerhouse na Australia na kasalukuyang may malinis na 3-0 record at nakaselyo na ng puwesto sa second round matapos talunin ang Guam, 93-80. (RON TOLENTINO)
