Tiniyak ni Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito Galvez Jr. na makabubuti sa proseso ng kapayapaan at demokratikong pundasyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang desisyon ng Korte Suprema na ipagpaliban ang unang halalan para sa Bangsamoro Parliament.
Sa Kapihan sa Manila Bay forum, sinabi ni Galvez na ang anim na buwang pagpapaliban, mula Oktubre 2025 patungong hindi lalagpas sa Marso 2026, ay magbibigay ng karagdagang panahon sa Bangsamoro Transition Authority (BTA) upang ayusin ang mga legal na mekanismo at matiyak ang maayos, lehitimo, at mapayapang halalan.
“Mas maganda na may delay para ma-perfect natin ang legal imperatives ng Bangsamoro Act,” ani Galvez. “Magbibigay ito ng sapat na oras para sa transition at paghahanda. Iba ito dahil sa ilalim ng ating unitary presidential government, magkakaroon tayo ng parliamentary system sa BARMM.”
Dagdag pa ni Galvez, nananatiling maayos ang sitwasyon sa rehiyon, at patuloy ang pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan sa mga lider ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF).
“Maganda ang peace and order sa baba. Marami nang nakikinabang sa mga bunga ng kapayapaan,” pahayag niya. “Patuloy ang mga proyekto sa ilalim ng joint normalization at transformation programs.”
Kasama ni Galvez sa forum si Undersecretary David Diciano, pinuno ng Office of Bangsamoro Transformation, na nagpatibay sa paninindigan ng administrasyong Marcos na ipagpatuloy ang mga probisyon ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) na nilagdaan noong 2014.
Paliwanag ni Galvez, bagama’t may kalayaan ang BTA na pamahalaan ang sarili nitong mga gawain alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema, magpapatuloy pa rin ang koordinasyon sa pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng Intergovernmental Relations Body (IGRB).
“Ang chief minister ang may pangunahing responsibilidad sa pang-araw-araw na pamamahala,” ani Galvez. “Tungkulin naming magbigay ng gabay kapag kinakailangan upang matiyak na natutupad ng dalawang panig ang kanilang mga kasunduan.”
Tungkol naman sa exit agreement sa pagitan ng pamahalaan at MILF, sinabi ni Galvez na ito ay pipirmahan lamang kapag natapos na ng dalawang panig ang lahat ng kanilang obligasyon, na susuriin ng third-party monitoring team mula Malaysia at Turkey.
“Hindi nangangahulugang tapos na ang peace process kapag may exit agreement,” paliwanag ni Galvez. “Susunod diyan ang pagpapatupad ng mga programang sosyo-ekonomiko, transitional justice, at community transformation.”
Sa pagtatapos, binigyang-diin ni Galvez na ang tunay na labanan ngayon ay hindi na sa giyera, kundi sa mabuting pamahalaan.“The fight now is not in the battlefield but the fight now is in Parliament. Peaceful negotiation through parliamentary action,” aniya. (MINA PADERNA)
