HUMILING ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Department of Justice (DOJ) na maglabas ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban sa ilang kasalukuyan at dating opisyal ng gobyerno, kabilang ang mga senador at kongresista, na umano’y sangkot sa multi-bilyong pisong flood control scandal.
Kabilang sa mga pinangalanan ng ICI sina Sen. Francis Escudero, dating House Speaker Martin Romualdez, at Sen. Jinggoy Estrada, na dati nang nabanggit sa mga testimonya at dokumentong nakuha ng komisyon sa kanilang imbestigasyon.
Sa kanilang pormal na liham sa DOJ, kasama rin sa mga nais patawan ng ILBO ang mga sumusunod:
- Dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr.
- Mayor Maria Lourdes Binay Angeles
- Commissioner Mario G. Lipana
- Marilou Laurio-Lipana
- Usec. Trygve L. Olaivar
- Carlene Villa, Maynard Ngu
Kasama rin ang mga kongresista na sina Roman Romulo, James “Jojo” Ang, Patrick Michael “PM” Vargas, Juan Carlos “Arjo” Atayde, Nicanor “Nikki” Briones, Marcelino “Marcy” Teodoro, Florida “Rida” Robes, Eleandro Jesus Madrona, Benjamin “Benjie” Agarao, Leody “Ode” Tarriela, Reynante “Reynan” Arogancia, Marvin Rillo, Teodorico “Teodoro” Haresco Jr., Antonieta Eudela, Dean Assistio, at Marivic Co-Pilar.
Mga district engineer na sina Loida Busa, Ramon Devanadera, Johnny Protesta Jr., at Arturo Gonzales Jr. at isang “Bogs” Magalong, na isa ring tinitingnan ng ICI sa kaso.
Ayon sa komisyon, dapat ding atasan ang Bureau of Immigration (BI) na agad ipaalam sa mga kinauukulang ahensya kung may alinman sa mga pinangalanang indibidwal na magtatangkang umalis ng bansa.
“Bukod sa paglalabas ng ILBO, hinihiling naming agad ipagbigay-alam ng Bureau of Immigration sa Komisyon at mga law enforcement agencies ang anumang impormasyon hinggil sa planong paglalakbay ng mga subject,” ayon sa ICI.
Samantala, inanunsyo rin ng ICI na muling iimbitahan si Speaker Romualdez na dumalo sa susunod na pagdinig matapos mabigong humarap sa mga naunang paanyaya, habang si dating Rep. Zaldy Co naman ay isasailalim sa subpoena matapos paulit-ulit na hindi sumipot sa imbestigasyon.
Ang flood control scandal ay isa sa mga pinakamalaking kasong korapsyon na iniimbestigahan ngayong taon, na kinasasangkutan umano ng kickbacks, ghost projects, at maling paggamit ng pondo sa mga flood control at infrastructure project sa iba’t ibang bahagi ng bansa. (MINA PADERNA)
