IBINIDA ni Senador Erwin Tulfo ang kahalagahan ng anti-hunger policies at pagpapalakas ng lokal na produksyon sa Pilipinas sa gitna ng tumitinding problema sa kagutuman at food insecurity, sa kanyang talumpati sa 151st Inter-Parliamentary Union (IPU) Assembly na ginanap sa Geneva, Switzerland.
Bilang pinuno ng delegasyon ng Pilipinas, sinabi ni Tulfo na 27 porsiyento ng mga Pilipino ang nakaranas ng involuntary hunger noong nakaraang taon.
Aniya, malaking salik dito ang mababang sahod, mataas na presyo ng bilihin, at epekto ng trade liberalization.
“We have a problem with food insecurity right now in our country. The fact is that lower wages, hiked prices, and low income contribute to this high rate, plus trade liberalization,” pahayag ni Tulfo sa mga mambabatas mula sa iba’t ibang bansa.
Binanggit din ng senador na nasasakripisyo ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka dahil sa mga patakarang pabor sa importasyon.
“It’s killing the industry of our farmers. We are more dependent now on rice importation, which is cheaper… This is causing a lot of pain to our people,” dagdag niya.
Ayon kay Tulfo, habang isinusulong pa ang reporma sa sektor ng agrikultura, maaaring mapababa ang insidente ng kagutuman sa pamamagitan ng maayos na pamamahala ng food resources.
Kabilang sa kanyang mga panukala ang Senate Bill No. 1411 o Zero Food Waste Act, na naglalayong bawasan ang food wastage at tugunan ang kagutuman sa bansa.
“Every day, there’s a lot of food wastage. If it can still be consumed by those who are hungry, maybe we can send it to food banks,” paliwanag ng senador, na siya ring Chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development.
Layunin ng panukalang batas na hikayatin ang mga negosyo sa pagkain gaya ng mga restawran, supermarket, at hotel na mag-donate ng sobrang pagkain sa mga food bank na pamamahalaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Bilang karagdagan, muling iginiit ni Tulfo ang pangangailangang baguhin ang Rice Tariffication Law (RTL) upang maibalik ang regulatory powers ng National Food Authority (NFA) at mapatatag ang lokal na produksyon ng bigas.
Ang panukalang ito ay nagbunsod din ng imbestigasyon sa agricultural smuggling at sa epekto ng RTL sa mga magsasaka at mamimili sa ilalim ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform. (ARSENIO TAN)
