NAGHAIN ang abogado na si Atty. Eldrige Marvin Aceron ng isang Omnibus Motion sa Senate Ethics Committee, na nagsasabing nagkaroon umano ng “transactional relationship” sa pagitan ni Senator Francis “Chiz” Escudero at ng kontratistang si Roberto Lubiano noong gobernador pa ng Sorsogon ang senador mula 2019 hanggang 2022.
Ang mosyon ay inihain ilang araw matapos ipahinto ng Senado ang pagdinig sa flood control scandal, kasunod ng mga closed-door hearings ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at dalawang linggo matapos magsampa si Aceron ng ethics complaint laban kay Escudero.
Batay sa mga public records na inilakip ni Aceron, nanalo ang kompanyang Metroways Health Care and Medical System ni Lubiano sa mga kontrata ng pamahalaan noong 2021, sa ilalim ng administrasyon ni Escudero bilang gobernador.
Pagdating naman noong Disyembre 2021 hanggang Mayo 2022, nag-donate umano si Lubiano ng P30 milyon sa senatorial campaign ni Escudero.
Mula 2022 hanggang 2025, nanalo naman ang Centerways Construction, isa ring kompanya ni Lubiano, ng P16.67 bilyong halaga ng mga kontrata sa Department of Public Works and Highways (DPWH), karamihan ay nakapokus sa Sorsogon.
“This is not a case of a politician accepting a donation from a friend… This is a contractor winning government contracts under a governor’s administration, then donating ₱30 million to that governor’s Senate campaign, and later winning billions more after that governor becomes senator,” saad ni Aceron sa kanyang mosyon.
Sa isang pahayag noong Oktubre 8, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na nagsumite si Escudero ng affidavit kung saan sinabi niyang “naniniwala” siyang galing sa personal na pondo ni Engr. Lubiano ang P30 milyong donasyon, at tinanggap ito “bilang magkaibigan.”
Ngunit tinutulan ito ni Aceron, sabay lahad ng umano’y P35,070,000 accounting discrepancy sa financial statements ng Centerways Construction na isinumite sa SEC sa pagitan ng 2023 at 2024 filings, ang panahong tumutugma umano sa donasyon.
“When a sitting Senator accepts P30 million from a contractor whose companies were winning contracts under his administration, ‘I trusted my friend’ is not sufficient due diligence under RA 6713,” ani Aceron, na tinutukoy ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Ayon sa dokumento, si Lubiano ay 91% owner ng Metroways Health Care, na nakakuha rin ng mga kontrata mula sa pamahalaang panlalawigan ng Sorsogon noong kasagsagan ng pandemya.
Humihiling ang Omnibus Motion na pabilisin ng Senate Ethics Committee ang pagre-refer ng reklamo kay Escudero, magtakda ng deadline sa kanyang sagot, at maglabas ng subpoena para sa mga financial records ng Centerways at Metroways, pati na rin sa mga BIR at provincial records ng Sorsogon mula 2019 hanggang 2022.
Layunin din ng mosyon na matukoy kung sapat ba ang “good faith belief” bilang batayan ng due diligence sa ilalim ng RA 6713, at kung may koneksyon ang P35 milyong accounting discrepancy sa sinasabing “personal funds” na pinagmulan ng donasyon.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag si Sen. Escudero hinggil sa nasabing Omnibus Motion sa oras ng pagsulat ng ulat na ito. (ARSENIO TAN)
