Dapat sibakin sa serbisyo ang sinumang empleyado ng Senado na mapatunayang gumamit ng ilegal na droga sa loob mismo ng gusali, ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian nitong Biyernes.
“Kahiya-hiya ito para sa Senado. Dapat tayo ang nagbibigay ng magandang halimbawa sa taumbayan,” ani Gatchalian sa mensaheng ipinadala sa Viber. Giit niya, dapat tapusin ang imbestigasyon para matukoy ang may sala at agad itong tanggalin sa puwesto.
Ayon naman sa Office of the Sergeant-at-Arms na pinamumunuan ni retired Maj. Gen. Mao Aplasca, tapos na ang kanilang imbestigasyon at naisumite na sa Office of the Senate President ang ulat kaugnay ng umano’y paggamit ng marijuana sa loob ng gusali.
Base sa incident report na may petsang Agosto 13, iniulat ng Senate security personnel na si Victor Patelo ang dalawang insidente kung saan naamoy ang “hindi pangkaraniwang amoy” sa ladies’ comfort room malapit sa extension offices ng mga senador.
Ang huling insidente ay ini-report ng isang staff ni dating Sen. Panfilo Lacson, na nagsabing ang amoy ay katulad ng marijuana at tanging si Nadia Montenegro umano ang nasa lugar noon. Nang tanungin, itinanggi ni Montenegro ang paggamit ng marijuana at iginiit na ang hawak niyang vape ang maaaring dahilan ng amoy.
Kinumpirma ng opisina ni Sen. Robin Padilla na si Montenegro ay kabilang sa kanyang staff, at nagsagawa na rin sila ng sariling imbestigasyon.
Samantala, nanawagan si Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III na muling ipatupad ang random drug testing para sa lahat ng opisyal at kawani ng Senado.
Suportado ito nina Gatchalian at Senate Majority Leader Joel Villanueva, na iginiit na mahalaga ang naturang hakbang upang mapanatili ang integridad ng institusyon.
