Bitbit ang tapang at determinasyon, bumalik sa Pilipinas ang Team Philippines mula sa 2025 World Games sa Chengdu, China, na nagtala ng 2 silver at 2 bronze medals. Bagama’t walang ginto, ipinagmalaki ng mga atleta ang kanilang laban sa 11-araw na kompetisyon para sa non-Olympic sports.
Ayon kay Chef de Mission Stephen Arapoc, presidente ng Muay Thai Association of the Philippines, “Mission accomplished! Ibinuhos nila ang lahat, at marami kaming natutunan para sa hinaharap.”
Kabilang sa mga medalya ang pilak ni Kaila Napolis sa women’s -52kg ju-jitsu at ni Chezka Centeno sa women’s 10-ball billiards. Tanso naman ang nakuha nina Carlos Baylon Jr. sa men’s wushu sanda 56kg at Aislinn Yap sa sambo combat 80kg.
Nagpakita rin ng potensyal ang mga Pinoy sa wakeboarding, muay thai, kickboxing, dragon boat, at floorball, na ilan sa mga target sa 33rd SEA Games sa Thailand sa katapusan ng taon.
Sa huling araw ng kompetisyon, si Kim Mangrobang ang pinakamagandang Pinay sa women’s individual duathlon, nagtala ng 1:32:10 at nagtapos sa ika-18 puwesto. Nakumpleto rin ng Merry Joy Trupa at Bea Quiambao ang karera.
Bago umuwi, nagkaroon ng libreng day trip ang ilang miyembro ng team sa Chengdu Research Base of Giant Panda Breeding para magpahinga at mag-enjoy.
Suportado ng Philippine Olympic Committee at Philippine Sports Commission, nanatiling mataas ang morale ng Team PH at bitbit ang pag-asa sa mas malaking tagumpay sa mga susunod na kompetisyon. RON TOLENTINO
