May 7, 2024

EFREN ‘BATA’ REYES PARANG ‘ROCK STAR’ SA VIETNAM

Nakatanggap ng ‘rock-star’ treatment ang Filipino billiard legend na si Efren “Bata” Reyes sa kanyang pagbisita sa Vietnam.

Nasa Vietnam ngayon si Reyes na 67 anyos na upang i-representa ang Pilipinas sa Southeast Asian Games sa larong carom.

Makikita sa video na ibinahagi ng Spin.ph na punong puno ng respeto ang mga Vietnamese kay Reyes.

Hindi naman maiwasan na magkatulakan lalo na’t napakadaming fans ang gustong makita ng personal ang tinaguriang ‘living legend’ ng billiard.

May ilan din na sinubukan makipag-selfie at magpa-autograph sa atleta.

Sa ngayon ay sigurado na ang bronze medal ng atleta matapos siyang makapasok sa semifinals at talunin si Suriya Suwannasingh ng Thailand.

Kilala si Reyes sa kanyang pagiging mapagkumbaba kahit na siya ang itinuturing na pinakamagaling na pool player sa kasaysayan.

Sa isang pahayag naman hinimok ni Reyes ang mga Pilipino na suportahan din ang iba pang representante ng bansa sa SEA Games na maaring sumunod sa kanyang yapak.