Nakatakdang idaos ang isang malawakang kilos-protesta na tinaguriang “Trillion Peso March” sa darating na Setyembre 21 sa People Power Monument, EDSA corner White Plains Avenue, upang kondenahin ang umano’y katiwalian sa flood control projects na nagkakahalaga ng trilyong piso.
Nanawagan ang mga lider mula sa Simbahang Katolika at Protestante sa publiko na makiisa sa pagtitipon na magsisimula ganap na alas-dos ng hapon. Hinihikayat din ang mga kalahok na magsuot ng puting kasuotan bilang sagisag ng pagkakaisa at pag-asa.
Pinili ng mga organisador ang nasabing petsa bilang paggunita sa ika-53 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law noong 1972 sa ilalim ng dating pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. Gayundin, ang People Power Monument ang napiling lugar bilang simbolo ng 1986 People Power Revolution na nagpatalsik sa rehimeng Marcos.
Ayon sa mga tagapagtaguyod ng protesta, ang paggamit ng pangalang “Trillion Peso March” ay hango sa halos ₱1.9 trilyong pondo na inilaan para sa flood control sa nakalipas na 15 taon, na malaking bahagi umano’y nauwi sa katiwalian. Ang pagkilos ay inihahambing sa “Million People March” noong 2013 laban sa pork barrel scam.
Sa kanilang pahayag, binigyang-diin ng Church Leaders Council for National Transformation (CLCNT) na ang protesta ay isinasagawa katuwang ang iba’t ibang civil society organizations, paaralan, at iba pang faith-based groups.
“Every peso stolen is a life put at risk. Every corrupt deal is a flood that submerges our nation’s future,” pahayag ni Novaliches Bishop Roberto Gaa.
“The poor are the first to drown in corruption,” ayon kay Bishop Jose Colin Bagaforo ng Caritas Philippines.
Dagdag pa ni Evangelical leader Bishop Efraim Tendero: “This is not just about one scandal. It is about reclaiming our future from the grip of corruption and impunity.”
Kabilang sa mga grupong nakapahayag ng pakikiisa ang Alyansa ng Nagkakaisang Mamamayan (ANIM), Brotherhood of Christian Businessmen and Professionals (BCBP), Clergy for Good Governance (CGG), Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP), Concerned UP Vanguard, MAPSA, Sambayan, Tindig Pilipinas, at iba pang organisasyon mula sa hanay ng simbahan, paaralan, at civil society.
Inaasahan ng mga lider simbahan at mga organisador na ang pagtitipon ay magiging makasaysayang pagpapahayag ng pagkakaisa ng taumbayan laban sa katiwalian at kawalan ng pananagutan sa pamahalaan.
