ISINUSULONG ngayon ng dalawang Pinay na biktima ng human trafficking ang pag-isyu ng Interpol Red Notice laban sa dalawang dayuhang sangkot umano sa malawakang seksuwal na pang-aabuso at pornograpiya sa Pilipinas.
Sa 19-pahinang dokumentong nakalap ng Agila ng Bayan, nanawagan ang mga biktima kay Ambassador Markus Lacanilao, Special Envoy on Transnational Crime, na makipag-ugnayan sa International Police Organization (Interpol) para agad madakip sina Adel En Nouri, isang Italyanong nakabase sa London na umano’y konektado sa Harrods Department Store, at Centvin Menez, isang British-Indian national.
Nauna nang isinampa sa Pasay City Prosecutor’s Office ngayong buwan ang kasong Qualified Trafficking in Persons laban sa dalawa, na itinuring na “heinous crime” sa ilalim ng Republic Act 9208.
Ayon sa reklamo, ang dalawa ay nakipagsabwatan sa isang Filipina na kinilalang si “Mhami Jane”, na umano’y siyang nag-recruit ng mga biktima para sa prostitusyon, seksuwal na eksploitasyon at manipulasyon.
Binigyang-diin ng mga biktima na nakakaranas sila ng matinding takot matapos lumabas ang kanilang kaso sa publiko.
“We are fearful of the retribution that these foreign nationals might do to prevent us from proceeding with our Complaint,” saad sa kanilang affidavit na may petsang Setyembre 10, 2025.
Sa ilalim ng kasunduan ng Pilipinas at Interpol mula pa noong 1952, maaaring ipursige ng pamahalaan ang paghingi ng Red Notice laban sa mga akusadong dayuhan upang sila’y maaresto at mapanagot sa lokal na korte katulad ng kaso ni dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. na nadakip sa Timor Leste sa bisa ng kahalintulad na request.
Kasalukuyan namang hinihintay ang tugon ng Interpol at ng mga kaukulang ahensya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon laban kina Nouri at Menez. (ARNOLD PAJARON JR)
