IBINASURA ng Office of the Ombudsman ang mga reklamong inihain ni Senadora Imee Marcos laban kay Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla at ilan pang opisyal kaugnay ng pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating pangulong Rodrigo Duterte noong Marso.
Kinumpirma ni Remulla nitong Biyernes, Setyembre 12, ang desisyon ng Ombudsman. Gayundin, nagpatunay si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla (isa rin sa mga inirereklamo) na ibinasura na ang mga kaso laban sa kanila.
Ngunit agad namang nilinaw ni Senadora Marcos na nananatiling may nakabinbin pang kaso si Remulla.
Sa opisyal na pahayag ng kanyang tanggapan, iginiit ng senadora na naghain siya ng Motion for Reconsideration (MR) sa mismong araw na inilabas ang Joint Resolution ng Ombudsman na nagbasura ng ilang reklamo.
Batay sa Rules of the Office of the Ombudsman (A.O. 7, series of 1990), may limang (5) araw ang sinumang partido upang magsumite ng MR. Dahil dito, binigyang-diin ng senadora na hindi pa pinal ang nasabing desisyon.
“Malinaw na aking mosyon sa mismong araw na inilabas ang desisyon. Malinaw na nasa proseso ito ng tamang oras,” pahayag ni Marcos.
Dagdag pa niya, anumang Ombudsman clearance na sinasabing “malinis” na si Remulla ay hindi pa pinal.
“Samakatuwid, may nakabinbin pa ring kaso si Secretary Boying Remulla sa Office of the Ombudsman. Anumang Ombudsman clearance na nagsasabing kabaligtaran nito ay malinaw na hindi totoo,” giit ng senadora.
Kabilang sa mga reklamong isinampa ni Marcos laban kay Remulla at iba pa ay grave misconduct, conduct prejudicial to the best interest of the service, arbitrary detention, usurpation of judicial functions, grave threats, graft, usurpation of authority, false testimony, at perjury.
Nagsimula ang kaso matapos magsagawa ng Senate probe si Marcos sa kontrobersyal na pag-aresto kay Duterte, na ayon sa mga eksperto ay legal at regular. Isinumite ng kanyang komite ang findings sa Ombudsman, dahilan upang pormal na magsimula ang mga reklamo.
Mahalaga ang isyu dahil kasalukuyang aplikante si Remulla bilang susunod na Ombudsman, kapalit ni Samuel Martires na nagretiro noong Hulyo. Sa ilalim ng 2020 Revised Rules ng Judicial and Bar Council (JBC), maaaring madiskuwalipika ang mga aplikanteng may nakabinbing kaso.
Bagama’t kinilala ni Remulla noong Setyembre 2 na wala pa siyang Ombudsman clearance dahil sa nakabinbing kaso, binigyan siya ng JBC ng palugit hanggang kalagitnaan ng Setyembre upang maisumite ang clearance.
Batay sa mga source, kabilang si Remulla sa mga frontrunners para sa posisyon, kasama sina Philippine Competition Commission chief Mike Aguinaldo at dating Bureau of Internal Revenue commissioner Kim Henares. Ang susunod na Ombudsman ay magsisilbi hanggang 2032. (MINA PADERNA)
