Kinumpirma ni Commission on Audit (COA) Chairperson Gamaliel Cordoba na may “potential conflict of interest” matapos mapag-alamang ang kumpanya ng asawa ni COA Commissioner Mario Lipana ay nakakuha ng halos ₱200 milyong halaga ng proyekto mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa pagdinig ng House budget briefing, sinabi ni Cordoba na totoo ang ulat ng ABS-CBN News tungkol sa Olympus Mining and Builders Group Philippines Corporation, ang kumpanyang pinamumunuan ng asawa ni Lipana. Ayon sa ulat, nakakuha ito ng mga proyekto habang si Lipana ay nasa puwesto.
“My personal position is that there is potential conflict of interest,” ani Cordoba sa pagharap sa mga kongresista.
Nasa medical leave si Lipana at kasalukuyang nasa Singapore.
“The integrity of the entire commission is being put into question dahil sa kontratang nakuha ng asawa ng isang commissioner,” giit ni Rep. Eli San Fernando (Kamanggagawa).
Tinawag ni Rep. Antonio Tinio (ACT Teachers) ang agarang pagbibitiw ni Lipana, habang nagbabala si Rep. Leila de Lima (Mamamayang Liberal) ng posibilidad ng impeachment kung hindi ito magre-resign.
Sa gitna ng kontrobersiya, nananatiling usapin kung paano mapapanatili ng COA ang kredibilidad at integridad nito, lalo’t may nakikitang posibleng paglabag sa prinsipyo ng transparency at accountability.
