Tuloy na ang pre-trial hearing ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa darating na Pebrero 23 matapos magdesisyon ang mga hukom na siya ay nasa tamang pisikal at mental na kondisyon para sumailalim sa proseso ng batas.
Sa desisyong inabas mula sa The Hague noong Lunes, Enero 26, binigyang-diin ng ICC Pre-Trial Chamber na matapos suriin ang ulat ng mga independent medical experts, napatunayang epektibong magagamit ni Duterte ang kaniyang procedural rights sa kabila ng kaniyang edad.
Ito na ang ikatlong malaking pagkatalo ni Duterte sa ICC matapos siyang mabigo sa mga naunang hirit para sa pansamantalang paglaya at sa pagkuwestiyon sa hurisdiksyon ng korte sa kaniyang kaso.
Ang huling taktika ng kaniyang kampo ay ang paggiit na siya ay may cognitive impairment o hindi na sapat ang kaisipan para sa paglilitis, ngunit tinukoy ng tatlong babaeng hukom na hindi kailangang nasa pinakamataas na antas ang kapasidad ng isang akusado upang ituring na fit for trial.
Ayon sa mga eksperto, sapat na ang pagbibigay ng mga akomodasyon tulad ng regular na pahinga at kaniyang nais na pagkain upang maayos siyang makilahok sa mga pagdinig.
Dahil sa pasyang ito, pormal nang magpapatuloy ang confirmation of charges hearing na limang buwang naantala.
Sa nasabing proseso, opisyal na ipapaalam kay Duterte ang mga espesipikong ebidensya laban sa kaniya para sa tatlong counts ng crimes against humanity kaugnay ng mga pagpatay sa ilalim ng Davao Death Squad at ng kaniyang war on drugs.
Ang mga kasong ito ay sumasaklaw sa 49 na insidente ng pagpatay na may 78 biktima.
Ikinatuwa naman ni Kristina Conti, abogado ng mga biktima ng drug war, ang naging ruling at sinabing dapat nang matapos ang drama tungkol sa pagiging matanda at mahina ng dating pangulo.
Ayon kay Conti, malinaw na napatunayan ng korte na nauunawaan ni Duterte ang mga paratang laban sa kaniya.
Umaasa rin ang kampo ng mga biktima na lalawak pa ang mga saklaw ng kaso upang isama ang iba pang krimen tulad ng torture at hindi makataong pagtrato habang patuloy na nananawagan ang ICC para sa mga karagdagang saksi.
