Preventive suspension ng 90 araw sa driver’s license ang ipinatupad ng Land Transportation Office (LTO) laban sa isang rider na gumawa ng delikadong motorcycle stunts sa pampublikong kalsada matapos itong maging viral sa social media.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, binantayan ng ahensya ang insidente matapos itong i-post at i-repost sa ilang Facebook accounts.
“Kahit saan mo tingnan, talagang delikado ang ginawa ng rider lalo na sa public road na maaaring pag-ugatan ng aksidente at malagay sa alanganin ang buhay ng mga road users,” ani Mendoza.
Makikita sa viral video ang rider na nakatayo sa malaking motorsiklo at nagsasayaw pa nang hindi hawak ang handlebar, na malinaw na lumalabag sa batas trapiko.
Naglabas na ang LTO ng Show Cause Order (SCO) sa rehistradong may-ari ng motor, isang babae mula Manila, upang ipaliwanag sa sulat kung bakit hindi siya dapat parusahan at tulungan silang tukuyin ang rider para sa karampatang aksyon.
Ang rider ay haharap sa kaso ng reckless driving at pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle. Samantala, inalis muna sa operasyon ang motor bilang bahagi ng imbestigasyon.
Itinakda ang hearing sa Agosto 19.
Ayon sa LTO, ang hindi pagdalo o pagsumite ng paliwanag ay ituturing na waiver ng karapatan na marinig at ang desisyon ay ibabatay sa ebidensiya sa kasalukuyan.
