Halos kalahati ng 60 milyong adult population sa bansa, o 32 milyong Filipino, ang aktibong mananaya sa mga electronic games, ayon sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor).
Ipinahayag ni Senator Sherwin Gatchalian ang datos sa isang Senate hearing nitong Huwebes, Agosto 14. Ayon sa kanya, tumaas ng halos 200 porsyento ang bilang ng gamblers mula sa 8.2 milyon noong nakaraang taon patungong 32.117 milyon ngayong Hulyo 15, 2025.
“Kapag nakita ko ito, halos mahulog ako sa upuan,” ani Gatchalian. “32 million gamblers sa ating bansa! Halos kalahati ng adult population natin — nakaka-shock talaga!”
Batay sa rekord ng Pagcor, umabot sa 469,000 gamblers noong 2018, tumaas sa 1.4 milyon noong 2022, 2.4 milyon noong 2023, 8.2 milyon noong 2024, at 32.117 milyon ngayong 2025.
Giit ng senador, dapat nang nagpakabahala ang Pagcor noong umabot sa 8 milyon ang gamblers noong nakaraang taon. “Kung hindi natin titigilan ngayon, baka sa susunod na taon, buong adult population ay mananaya na,” ani Gatchalian.
Dagdag pa niya, may mga laro at operator pa rin na nakakalusot sa regulasyon, kaya’t nananawagan siya sa Pagcor na isara ang lahat ng lumalabag sa batas upang maprotektahan ang publiko.
“Ang nangyayari ngayon ay nakakatakot. Kailangan nating kumilos agad,” pagtatapos ng senador.
