Nagluluksa ang drag community sa bansa matapos kumpirmahin ang pagpanaw ng kilalang drag artist na si Misua, na nakatakda sanang lumahok sa ika-apat na season ng “Drag Race Philippines.” Siya ay 27 taong gulang.
Sa isang joint statement sa Instagram ng World of Wonder at “Drag Race Philippines” nitong Abril 2, ibinahagi ang malungkot na balita na pumanaw si Misua sa kanyang pagtulog noong umaga ng Huwebes.
Binigyang-pugay ng programa ang sining at ligayang idinulot ni Misua sa mga nakasalamuha nito.
Dahil sa biglaang pangyayari, inanunsyo ng produksyon ang pansamantalang pagtigil ng shooting para sa susunod na season upang bigyang-daan ang pagluluksa at suporta para sa mga cast at crew sa gitna ng mahirap na panahong ito.
Nakikipag-ugnayan na rin ang pamunuan sa pamilya ni Misua, na humihiling ng pribasya sa kasalukuyan.
Si Misua, o Jason Elvie Go Ty sa tunay na buhay, ay isinilang noong Hulyo 5, 1998.
Ang kanyang huling post sa social media noong Pebrero 17 para sa selebrasyon ng Chinese New Year ay binaha na ngayon ng mga mensahe ng pakikiramay mula sa kanyang mga tagahanga at kapwa drag queens.
Inaasahang ilalabas ang detalye ng kanyang burol at libing sa mga susunod na araw. Matatandaang binuksan ang casting para sa bagong season ng sikat na reality show noong Enero ng taong ito.
