Pito katao ang naiulat na nasugatan matapos gumuho ang isang bahagi ng kisame sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ngayong Biyernes Santo, ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Naganap ang insidente bandang alas-10:43 ng umaga sa arrival extension area sa labas ng main terminal building. Agad na rumesponde ang medical team ng New NAIA Infra Corp. (NNIC), katuwang ang airport security at PNP Aviation Security Group, upang bigyang-tulong ang mga biktima at i-cordon ang nasabing lugar.
Naglabas na ng direktiba si Transportation Secretary Banoy Lopez sa Manila International Airport Authority (MIAA) at sa NNIC na tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng pasahero at tauhan sa paliparan.
Inatasan din ang mga ito na magsumite ng detalyadong ulat upang ipaliwanag ang sanhi ng pagbagsak ng kisame at maiwasan ang pag-uulit nito sa hinaharap.
Sa kabila ng pangyayari, tiniyak ng NNIC na ligtas na ang pasilidad para sa normal na operasyon matapos ang isinagawang inspeksyon.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon sa pinagmulan ng insidente habang nananatiling bukas at tuloy-tuloy ang serbisyo sa buong NAIA Terminal 1 para sa mga biyahero ngayong Semana Santa. (ARSENIO TAN)
