DAGUPAN CITY — Nagbukas ng panibagong oportunidad para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL) ang Department of Science and Technology – Pangasinan matapos magsagawa ng Technology Training on Calamansi Juice Processing noong Agosto 20, 2025 sa Dagupan City Jail – Male Dormitory (DCJ-MD).
Mahigit 30 PDL ang lumahok sa pagsasanay na bahagi ng Skills and Enhancement Training Program ng DOST-Pangasinan at DCJ-MD para sa mga bilanggo at jail officers.
Layunin nitong makapagbigay ng kaalaman sa pagnenegosyo at kasanayan na magagamit ng mga PDL para sa kanilang rehabilitasyon at muling pagsasama sa lipunan.
Isa sa mga kalahok na itinago sa pangalang “Mario” ang nagsabi: “Ang training na ito ay nagbigay sa amin ng pag-asa na makapagsimula ng kabuhayan kapag nakabalik na kami sa aming mga tahanan. Taos-puso kaming nagpapasalamat sa kaalaman at sa pagkakataong matuto habang ginugugol namin ang aming panahon dito.”
Nagturo sa aktibidad sina Mr. Alvin S. Aguilan ng Pangasinan State University – Bayambang Campus at Ms. Monica May B. Varilla, isang Professional Food Technologist mula sa DOST Region 1 – PSU Food Innovation Center.
Bukod sa paggawa ng Calamansi Juice, itinuro rin ang current Good Manufacturing Practices (GMP) at Basic Food Safety upang matiyak na ligtas at maayos ang paggawa ng mga produktong maaaring ibenta sa merkado.
Ayon kay SJO4 William L. Atiwag Jr., Unit Executive Senior Jail Officer ng DCJ-MD, malaking tulong ang suporta ng DOST-Pangasinan at PSU-DOST 1 FIC upang mabigyan ng teknolohiya at kasanayan ang mga PDL. “Ito ay hakbang para mabigyan sila ng pag-asa at kakayahan na magkaroon ng kabuhayan kapag nakalaya na,” aniya.
Ang naturang pagsasanay ay isa sa mga proyektong pangkaunlaran ng DOST na layong gawing mas inklusibo ang agham at teknolohiya, lalo na para sa mga sektor na madalas na naiiwan.
