NAKATAKDANG idaos sa Bayfront Arena, Oroquieta City, Misamis Occidental ang Regional Science, Technology, and Innovation Week (RSTW) 2025 mula Oktubre 1 hanggang 3. Ang pagtitipon ay pinangungunahan ng Department of Science and Technology (DOST) – Northern Mindanao katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Misamis Occidental at Pamahalaang Lungsod ng Oroquieta.
Ang RSTW ay katumbas sa rehiyon ng taunang National Science and Technology Week (NSTW) na ipinag-uutos sa ilalim ng Presidential Proclamation No. 780 na nilagdaan noong 2019. Ang tema ngayong taon: “Agham at Teknolohiya: Kabalikat sa Matatag, Maginhawa, at Panatag na Kinabukasan” na may sub-tema “Building Smart and Sustainable Communities.”
Tampok sa tatlong-araw na aktibidad ang Technology Expo kung saan ipakikilala ang mga inobasyon ng DOST para sa lokal na industriya, LGU, kabataan, at iba’t ibang sektor ng lipunan. Layunin nitong palakasin ang kaunlaran, kaligtasan, at pangmatagalang pagpapanatili ng mga komunidad.
Bukod dito, itatampok din ang mga learning hubs tulad ng Mobile Planetarium na magbibigay ng kaalaman tungkol sa kalawakan at ang nuLAB, isang mobile STEM learning facility na maghahandog ng hands-on laboratory experiences para sa mga estudyante.
Isa sa mga pangunahing highlight ng RSTW ang paglulunsad ng Innovation Hub (iHUB) sa Misamis Occidental, isang collaborative space para sa mga innovator, mananaliksik, at negosyante upang lumikha ng solusyon sa lokal na mga hamon.
Libre at bukas sa publiko ang pagpasok sa RSTW. Inaasahang dadagsain ito ng mga residente, mag-aaral, propesyonal, at mga bisita na nais matuto kung paano makatutulong ang agham at teknolohiya sa pagpapabuti ng pamumuhay.
Ang taunang RSTW ay nagsisilbing plataporma para sa pagpapakilala ng mga programa, proyekto, at serbisyo ng DOST na nakatuon sa apat na estratehikong haligi: human well-being, wealth creation, wealth protection, at sustainability – alinsunod sa mantra na OneDOST4U: Solutions, Opportunities for All.
Para sa kumpletong iskedyul at updates, maaaring bisitahin ang DOST Northern Mindanao Facebook page o ang opisyal na website na www.dost.gov.ph
