Mga kababayan naniniwala ba kayo sa testimonya ng lumutang na testigo sa Senate hearing nitong nakaraang Huwebes kaugnay sa flood control project anomaly?
Aaminin ng inyong lingkod na noong una ay nagtiyaga tayong panoorin at pakinggan ang hearing. Normal lang sa amin yun bilang isang mamamahayag. Kailangan namin panoorin ang nasabing hearing at maging objective sa panonood.
Kaya nga sinabi natin, nagtiyaga talaga tayong manood.
Akala natin ‘e masusulit natin ang ating pagsubaybay sa hearing pero…
Susmaryosep!!!
Sumakit ang ulo ko kay Marcolekta este Marcoleta’s witness Marine Sgt. Orly Regala Guteza.
Si Guteza ay ipinakilala ni Senador Rodante Macoleta si Guteza bilang testigo na agad nagbunyag ng kanyang naging papel sa paghahatid ng maleta na punong-puno ng pera umano kina dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez at dating House Appropriations Chair, Ako Bicol Rep. Elizaldy Co.
Mapapansin natin na sa ilang bahagi ng pagdinig, mistulang tinutulungan pa ni Marcoleta si Guteza para maging “perpekto” ang kanyang testimonya. Maging ang mga senyas ni Blue Ribbon Oversight Office Management Director General Atty. Rodolfo Quimbo kay Guteza ay kapansin-pansin.
Ngunit sa kanilang pagpupumilit na idiin sina Romualdez at Co, nakalimutan nilang suriin ang pinakaimportanteng aspeto ng pasabog na rebelasyon ni Guteza, ang pagiging teknikal nitong posible.
Ayon kay Guteza, siya at ilang kasama ay naghahatid umano ng 46 maleta ng pera, tig-P48 milyon bawat isa, para sa kabuuang P2.208 bilyon.
Pero kung susuriin, ang P48 milyon sa tig-P1,000 ay katumbas ng 48,000 pirasong pera, at bawat isa ay may timbang na 1 gramo. Ibig sabihin, ang isang maleta na puno ng tig-P1,000 ay aabot ng 48 kilo, at kung isasama ang bigat ng maleta, lalabas na 52–53 kilo bawat isa.
Isipin na lang kung gaano kahirap buhatin ang higit 50 kilong maleta. Sa katunayan, karamihan sa airline ay hindi tumatanggap ng check-in baggage na lagpas 35 kilo dahil delikado at mahirap dalhin.
Ngayon, kung 46 maleta iyon, ang kabuuang timbang ay nasa 2.392 hanggang 2.438 tonelada. Kailangan ng tatlong van para ikarga ang lahat, bukod pa sa mga guwardiya na dapat kasama para magbantay ng ganoong kalaking pera.
At kahit pa maisagawa ito nang mabilis, hindi maikakaila na makakatawag ng pansin ang ganoong operasyon. Walang bangko sa loob ng Forbes Park o Horizon Residence, kaya’t halatang-halata kung may mga van na nagbababa ng maleta ng pera roon.
Pero hindi doon nagtatapos ang kapalpakan ng “script.”
Naniniwala ako mali pa ang napili nilang aktor. Si Guteza, bukod sa naging security detail ni Co noong 2024, ay nakatalaga rin dati kina dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon (2016), dating PCO Secretary Martin Andanar (2018), dating BuCor Chief Gerald Bantag (2020), at maging kay VP Sara Duterte (2022).
Ngunit ang pinakamatinding sablay, ang kanyang sinumpaang salaysay ay itinanggi mismo ng abogadong si Petchie Rose Espera na pumirma o nag-notaryo.
Kasunod nito, lumutang sina Mark Bunagan at Allan Colesio, na tinukoy ni Guteza bilang mga kasamang security personnel, para pabulaanan ang kanyang mga pahayag.
Ayon sa kanila, si Guteza ay naging personal assistant lang ng pamilya Co mula Pebrero hanggang Agosto 2025, at hindi kailanman naging security detail ni Zaldy Co.
Pareho rin nilang itinanggi na sila’y naghahatid ng mga maleta ng pera sa mga lugar na binanggit ni Guteza.
Dito tuluyang sumabog pabalik sa mukha ni Guteza at ng kanyang mga handler ang mismong pasabog na ginawa nila.
Simula pa lang, malinaw na ang target ay si Romualdez. Ngunit sa aktuwal na proseso ng budget insertions, malinaw na hindi dumaan sa kamay ng Speaker. Ang pagsusumite ng mga priority list ay dumadaan sa mga rehiyon, LGUs, ahensya, at mga kongresista, bago ikonsolida at aprubahan ng Appropriations Chair, na si Co mismo. Hindi dumadalo ang Speaker sa prosesong ito, sapagkat maituturing iyon na pakikialam.
Kung may nais mag-imbestiga laban sa dating Speaker, kailangan ng mas matibay na ebidensya.
Samantala, mas makabubuti na ang mga handler ni Guteza ay humanap ng mas mahusay na scriptwriter o mas mainam, ng matinong abogado. Dahil kung hindi, posible silang humarap sa disbarment case, at baka pati sa Senate Ethics complaint na kapag inaprubahan ng two-third ng miyembro ng Senado, ay mauwi pa sa expulsion.
Kung baga sa teleserye, sablay ang script, mali ang artista, at bagsak ang palabas.
