Mga Cabalen, kapag isang senador tulad ni Alan Peter Cayetano ay napipikon na, hindi lang basta napipikon, kundi nag-aalab sa galit, ibigsabihin may malalim na problema sa loob ng ahensyang dapat nagbabantay sa kalusugan ng sambayanan.
At sa kaso ng Department of Health (DOH), malinaw pa sa sikat ng araw na incompetence ang ugat ng krisis.
Sa budget hearing, binanatan ni Cayetano ang DOH dahil paulit-ulit, palyado, at palpak ang pag-procure at pamamahagi ng vaccines para sa mga bata at nakatatanda.
Mga bakunang dapat libre, ligtas, at mabilis na naibibigay. Pero anong nangyari? LATE. KULANG. MALAPIT NANG MAG-EXPIRE. Ito ba ang serbisyong nararapat para sa mga Pilipino, mga Cabalen?
At nang bigyang-dahilan na may problema raw sa bidders, lalong tumaas ang kilay ng senador.
“Ganyan ba kayong kahina? Hindi niyo kayang sampalin ang mga bidders sa mukha para umayos sila?”
Araykupo!
Alam ninyo ba na matagal nang may budget ang DOH para sa routine vaccines. mula MMR, rotavirus, Hepa B, hanggang flu shots para sa senior citizens. Pero taon-taon, parehong senaryo mga Cabalen. Delayed o halos expired. Tsk!
Sino ang nadadamay? Yung mga batang dapat protektado. Yung mga lolo at lola na sana’y makaiwas sa pneumonia, flu, o iba pang respiratory illnesses.
At sa kabila ng lahat ng ito, kung sino pa ang walang pera, sila pa ang pinaparusahan. Ang may kaya? Dumidiretso sa private hospitals. Ang mahirap? Magtiis o magdusa.
Kung hindi kaya ng DOH mag-procure, mag-distribute, at mag-administer, bakit hindi ibigay sa Senado o sa LGUs, gaya ng mungkahi ni Cayetano? Ilang bayan at probinsya ang walang bakuna dahil isang “nincompoop agency” ang may hawak ng stock?
Mas masahol pa rito ang isyu ng fake anti-rabies vaccines. Matagal nang nagwa-warning ang FDA laban sa counterfeit Vaxirab N. Mayo 2024 pa nagsimula ang advisories, umabot pa ng halos buwan-buwan sa 2025, pero bakit pinagpapatuloy pa rin ng DOH ang procurement?
Worse, ayon sa mga source, may mga “enterprising minions” sa DOH ang naghahalo ng fake vaccines sa legitimate supplies bago ipadala sa LGUs.
Ang tanong alam kaya ito ni Health Secretary Ted Herbosa o nagbubulag-bulagan lang siya? Naku, malaking problema yun.
Sa ilalim ng RA 9711 at RA 8203, malinaw na nakasaad na ang sinumang magpakalat ng fake medicines o vaccines ay may criminal liability. At hindi kailangan may mamatay para managot.
Mantakin ninyo magmula nang maupo si Herbosa e sunod-sunod ang eskandalo tulad ng P11.5B worth ng expired medicines at vaccines; 2-taong pagkaantala ng TB treatment; PhilHealth zero-subsidy issue; Ghost health centers; at ngayon, fake anti-rabies vaccines.
Aba’y kung may delicadeza pa si Herbosa, dapat niya nang isaalang-alang ang pagbibitiw. Maawa kayo sa mahihirap nating kababayan.
