Umiinit ang tensyon sa Baguio matapos ang ilang araw na pagsasagawa ng noise barrage bilang pagtutol ng mga residente at vendors sa planong pagsasailalim ng public market sa Public-Private Partnership (PPP) kasama ang SM Prime Holdings, isang proyekto na tinawag ng ilan na “mallification” ng pamilihang bayan.
Sa panayam ng PaMaMaRiSan-Rizal Press Corps, iginiit ni Heather Pulido ng Save Baguio City Public Market na hindi sila kontra sa modernisasyon, pero tutol silang maging “mall-style commercial hub” ang palengke kapag SM ang hahawak.
“Hindi kami laban sa modernisasyon. Kontra kami sa komersyalisasyon ng palengke. Pag nasira ang kultura at identity ng Baguio, hindi na ‘yan mababalik,” giit ni Pulido.
Ayon sa grupo, tanging SM ang makikinabang sa PPP deal at hindi ang mga vendors, mamimili, turista o mismong lungsod.
Si Atty. Zosimo Abratique, presidente ng Baguio Vendors Market Association, ay nagpahayag din ng pangamba na maglalaho ang tunay na karakter ng Baguio.
“Pag sinabi mong Baguio, nandyan ang Session Road, Burnham Park, at ang palengke natin. Kapag binago nila ‘yan, pati pagkakakilanlan ng lungsod, mawawala,” ani Abratique.
Hindi nagpapahuli ang vendors sapagkat araw-araw, tuwing alas-3 ng hapon, sabay-sabay silang nag-iingay sa iba’t ibang bahagi ng palengke bilang protesta, kahit pa mismong si Mayor Benjamin Magalong ang nangunguna sa proyekto.
Isang vendor, na tumangging magpabanggit ng pangalan, ang lantaran nang bumatikos sa alkalde.
“Nangako ka noon Mayor Magalong na kami ang makikinabang. Bakit ngayon parang SM ang mas pinapaboran?”
Samantala, naglagay na rin ng protest tent ang Save Baguio City Public Market para mangalap ng lagda mula sa mga residente at turista na tutol sa proyekto.
Nanindigan ang mga grupo na bukas sila sa renovation, basta’t lokal na pamahalaan ang mamuno, hindi dambuhalang korporasyon.
Habang papalapit ang pinal na desisyon, mas lalong umiinit ang laban para sa kinabukasan ng isa sa pinakamahalagang pamilihan sa Cordillera.
Pinuntahan ng aming grupo ang Baguio City Hall upang personal na kunin ang pahayag ni Mayor Benjamin Magalong kaugnay ng umiinit na isyu sa planong renovation ng public market sa ilalim ng PPP deal kasama ang SM Prime Holdings.
Ngunit pagdating sa kanyang tanggapan, sinabi ng staff na wala si Magalong sa opisina.
Sa ngayon, nananatiling wala pang opisyal na komento ang alkalde hinggil sa sunod-sunod na protesta at noise barrage na isinasagawa ng mga vendor at residente na tutol sa proyekto.
