Humiling ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Kongreso ng ₱287.5 bilyong pondo para sa 2026, mas mataas ng ₱8.4 bilyon kumpara sa ₱279.1 bilyong nakamit nito noong 2025.
Sa panukalang 2026 National Expenditure Program (NEP), ikalima ang DILG sa mga ahensyang may pinakamalaking budget, mula sa ikaapat na puwesto noong nakaraang taon.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nakatutok ang ahensya sa pagpapalakas ng lokal at rehiyonal na pamahalaan, digitalisasyon ng mga sistema, at pagpapatuloy ng mga reporma upang mas mahusay na makapagserbisyo sa mamamayan.
Mula sa kabuuang pondo ng DILG, pinakamalaki ang mapupunta sa Philippine National Police (PNP) na may ₱210.1 bilyon. Susundan ito ng Bureau of Fire Protection (₱32.7 bilyon) at Bureau of Jail Management and Penology (₱29.3 bilyon).
Pinakamalaking hati ng operations budget ang PNP Crime Prevention and Suppression Program na may ₱194.6 bilyon. Kasunod nito ang BFP Fire and Emergency Management Program (₱26.9 bilyon) at BJMP Inmates’ Safekeeping and Development Program (₱24.7 bilyon).
May nakalaang ₱76 milyon ang Local Government Academy para sa programang Enhancing LGU Capacity on Climate Change Adaptation and Disaster Risk Management Framework, na layong palakasin ang kakayahan ng mga komunidad na harapin at makabangon mula sa kalamidad.
Sa ulat ng Congressional Policy and Budget Research Department, kabilang sa mga hamon ng DILG ang libo-libong bakanteng posisyon, hindi nagamit na pondo, at patas na pamamahagi ng locally funded projects.
Samantala, iimbestigahan ng Kamara ang umano’y ₱8-bilyong alokasyon para sa mga armas na sinasabing nakapaloob sa DILG ngunit hindi umano matunton sa 2025 o 2026 budget.
Tatalakayin ng House of Representatives ang panukalang pondo ng DILG ngayong Lunes, Setyembre 8, ganap na alas-11 ng umaga.
