Kasalukuyan nang tinutugis ng mga awtoridad ang suspek sa likod ng malagim na pamamaril na ikinasawi ng isang 24-anyos na digital creator at empleyado ng clothing shop sa loob ng isang mall sa Lucena City na naganap noong ika-5 ng Marso.
Kinilala ang biktimang si Jayson Zoleta, na kilala rin sa social media na may mahigit 23,000 followers sa Facebook.
Ayon sa imbestigasyon, nagtatrabaho si Zoleta sa loob ng isang clothing store nang maganap ang krimen bandang alas-11 ng umaga.
Sa huling post ng biktima sa kanyang online account bago ang insidente, nabanggit pa nito ang kanyang pagkapagod sa trabaho.
Batay sa nakuhang CCTV footage mula sa loob ng shop, makikitang magkasamang nag-uusap at tumitingin ng mga paninda ang biktima at ang suspek na pinaniniwalaang dating partner ni Zoleta.
Mapapansin din ang pabalik-balik na paglakad ng suspek bago nito binunot ang baril mula sa bulsa at malapitang binaril sa ulo ang biktima habang ito ay nakatalikod.
Agad na bumagsak sa sahig ang biktima na kalaunan ay binawian din ng buhay sanhi ng tinamong tama ng bala.
Matapos ang nangyaring pamamaril, isang lalaking nakaupo sa labas ng tindahan ang lumapit upang tignan ang nangyari, kung saan iniulat na kinausap pa siya ng suspek at tila inutusan na ibaba ang roll-up door ng establisyimento bago ito tumakas.
Ayon sa pahayag ng pamilya ni Zoleta, humigit-kumulang isang buwan na ang nakalilipas mula nang maghiwalay ang dalawa.
Pinaniniwalaang matinding pagseselos ang naging ugat ng kanilang hiwalayan na nauwi sa madugong krimen.
Patuloy ang operasyon ng pulisya upang madakip ang suspek at mabigyan ng katarungan ang sinapit ng biktima. (LIMUEL TOLENTINO)
