Mabilis na rumesponde ang Philippine Red Cross (PRC) upang maghatid ng kalinga sa halos 5,000 indibidwal o 976 pamilyang nawalan ng tirahan matapos lamunin ng apoy ang NIA Road sa Barangay Pinyahan.
Ang nasabing sunog, na umabot sa Task Force Bravo, ay nag-iwan ng matinding pinsala, ngunit siniguro ng PRC na hindi mag-isang lalakad ang mga biktima sa landas ng pagbangon.
Nitong ika-8 ng Marso, isang pangkat ng 20 dedikadong volunteer ang naglunsad ng malawakang relief operation sa limang evacuation centers.
Sa pamamagitan ng kanilang “Hot Meals on Wheels” food truck, nabigyan ng mainit na Chicken Sotanghon ang 485 indibidwal sa Pinyahan at Flora A. Ylagan Elementary Schools upang maghatid ng kaunting ginhawa sa gitna ng hirap.
Hindi lamang pagkain ang ipinamahagi, kundi pati na rin kalingang medikal at emosyonal. Nagtayo ang PRC ng mga First Aid station at Welfare Desks sa NIA Gymnasium at San Isidro Parish Church upang suriin ang kalusugan ng 85 residente at gamutin ang 11 kataong nangangailangan ng agarang atensyong medikal.
Kasabay nito, nabigyan ng pagkakataong makapaglaro at maging bata muli ang 41 kabataan sa ilalim ng kanilang Child-Friendly Space activities upang maibsan ang traumang dulot ng trahedya.
Nanatiling matatag ang Philippine Red Cross sa kanilang misyon na itaguyod ang dignidad at kaligtasan ng bawat isa. Binigyang-diin ng organisasyon na ang kanilang serbisyo ay magpapatuloy hanggang sa masigurong ang bawat apektadong residente ay ligtas at muling makatayo mula sa sakuna.
