May 19, 2024

(Dating nobya pinilit makipagtalik) XANDER FORD, HIMAS-REHAS MATAPOS ARESTUHIN

Sa kulungan ang bagsak ng social media influencer na si Xander Ford nang arestuhin ng pulisya nitong Lunes ng gabi.

Ayon sa report, nakapiit sa isang presinto sa Tondo, Maynila si Xander dahil mayroon na itong arrest warrant sa kasong isinampa ng kaniyang dating nobya na dating dinulog sa ‘Raffy Tulfo in Action.’

Ilan sa mga pinaratang ng ex-girlfriend nito na si Ysah Cabrejas ay ang umano’y pamimilit sa kanyang makipagtalik.

Kasalukuyang tinutulungan ng Star Image Artist Management ang internet sensation kaugnay sa kaso nito.

Sa live video na ipinost ngayon sa Facebook, sinabi ng kanyang manager na kanilang babayaran ang P18,000 na piyansa para makalabas ito ng kulungan habang nililitis ang kanyang kaso.

“Bilang management, pupuntahan namin siya pero we are not tolerating him kung talagang may mali siyang ginawa,” lahad ng management na dating humawak kay Xander. “He needs to face the consequences, the actions ng ginawa niya.”

Naluluha naman sa likod ng rehas si Xander at humingi ng tawad sa kanyang dating kasintahan.