
Pinagtibay ng Commission on Audit (COA) ang Notice of Disallowance sa halagang ₱40,400 na ginamit ng mga opisyal at empleyado ng Metropolitan Cebu Water District (MCWD) bilang bayad sa filing fees para sa kanilang apela — na ayon sa COA ay hindi dapat pinondohan ng ahensya.
Sa desisyong nilagdaan nina COA Chairperson Gamaliel A. Cordoba at Commissioners Roland Café Pondoc at Mario G. Lipana, iginiit ng komisyon na ang bayad para sa anumang apela o petisyon ay dapat personal na sagutin ng mga kinauukulang opisyal at empleyado ng pamahalaan.
“MCWD cannot charge the payment of required fees to the funds of the agency, as the same is the personal liability of the government officials and employees concerned,” ayon sa COA.
Ang nasabing halagang ₱40,400 ay ginamit bilang filing fees para sa apela ng MCWD kaugnay ng iba’t ibang Notices of Disallowance (NDs) na may kinalaman sa mga benepisyong ibinigay sa mga empleyado gamit ang pondo ng ahensya.
Ang apela ay isinampa sa ngalan ng MCWD ni Acting General Manager Noel R. Dalena, ngunit tinutulan ng COA ang paninindigan ng mga opisyal na hindi nila dapat personal na sagutin ang nasabing bayarin.
Paliwanag ng COA, dahil ang pinag-uusapan ay illegal disbursement ng pondo, ang responsibilidad ay mananatiling nasa mga approving at certifying officials, gayundin sa mga nakatanggap ng benepisyo.
Ipinunto rin ng komisyon na ang filing fee ay rekisito para sa pagproseso ng anumang apela sa isang adjudicating body, at hindi ito dapat ikarga sa pondo ng isang pampublikong ahensya.
Sa huli, muling binigyang-diin ng COA na ang paggasta ng pondo ng pamahalaan ay dapat na naaayon sa batas at may pananagutan ang bawat opisyal sa hindi wastong paggamit nito.
I
