Nagtungo sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Martes ng hapon si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro upang ireport ang mga natanggap na banta sa kanyang buhay sa pamamagitan ng social media.
Ayon kay Castro, ang mga naturang pagbabanta ay nagmula sa mga Facebook post sa page na “Luminous by Trixie Cruz-Angeles and Ahmed Paglinawan.” Aniya, ang mga pahayag sa nasabing post ay nagpapahiwatig ng matinding pisikal na pinsala na nagdulot ng panganib sa kanyang seguridad.
“Kailangan ko itong i-report dahil kung may mangyari man sa akin, may nakarecord na kung sino ang mga nagpapakalat ng ganitong klaseng pagbabanta,” pahayag ni Castro sa mga mamamahayag.
Inamin ng opisyal na personal niyang kilala si Cruz-Angeles ngunit hindi si Paglinawan, bagama’t ang ginamit na account ay nakapangalan sa kanilang dalawa. Aminado rin si Castro na nabahala siya sa kanyang kaligtasan dahil hindi siya sanay sa mga death threat at malinaw umano ang banta sa kanyang buhay sa nasabing post.
Binigyang-diin din niya na bagama’t may kalayaan sa pagpapahayag, hindi ito dapat humantong sa pananakot o karahasan. Sa ngayon, pinag-iisipan pa ni Castro kung pormal na magsasampa ng kaukulang demanda.
Kinumpirma naman ni NBI spokesperson Palmer Mallari na sumailalim si Castro sa tamang proseso sa pamamagitan ng pagpapa-blotter ng insidente. Paliwanag ni Mallari, mahalaga ang hakbang na ito upang magsilbing “reference point” ng mga imbestigador sakaling may mangyaring masama sa opisyal.
Tiniyak din ng NBI na kayang i-authenticate at i-preserve ng kanilang cybercrime division ang nasabing Facebook post bilang ebidensya, kahit pa burahin ito ng may-ari ng account.
“Kahit mabura pa sa social media ang post, kapag naitala na ito, mayroon na tayong kopya at datos tulad ng petsa, oras, at detalye ng account,” dagdag ni Mallari.
Aniya, lumalabas na isang “established” o “admitted” account ang sangkot, kaya mas madali para sa mga awtoridad na matukoy kung sino ang nagpapatakbo nito sakaling magpatuloy ang imbestigasyon.
