Sa wakas, tila naramdaman na ang talim ng palakol ni DPWH Secretary Vince Dizon. Matapos ang ilang buwang espekulasyon at bulong-bulungan tungkol sa malalim na ugat ng korapsyon sa Department of Public Works and Highways, tuluyan nang sinibak ang walong mataas na opisyal, kabilang ang apat na Regional Directors at ilang District Engineers.
Ang hakbang na ito ay hindi lamang isang administratibong desisyon; ito ay isang malakas na mensahe na ang “business as usual” sa mga proyektong imprastraktura ay tapos na.
Mula kay Region 1 Director Ronnel Tan, na asawa pa ng isang nakaupong gobernador, hanggang sa mga opisyal sa Metro Manila at Visayas, ipinakita ni Dizon na walang “sagrado” sa kanyang kampanya para sa integridad.
Bagama’t hindi pa detalyadong inilalabas ang lahat ng dahilan dahil sa nagpapatuloy na imbestigasyon, sapat na ang pahayag ng kalihim na marami pang tao ang kasalukuyang sinusuri. Ito ang klase ng “political will” na matagal nang hinahanap ng publiko sa isang ahensyang madalas bansagang “pugad ng korapsyon.”
Ngunit hindi dapat magtapos ang laban sa simpleng pagsibak o paglipat ng pwesto. Ang kasaysayan ng Pilipinas ay puno ng mga opisyal na “relieved” lamang ngunit kalaunan ay nakakabalik din sa kapangyarihan o kaya’y hindi naman napaparusahan ng kulong.
Diyan po papasok ang kahalagahan ng pahayag ni Dizon na siya mismo ang tatayong testigo sa Sandiganbayan para sa mga kasong gaya ng kinasasangkutan ni dating Congressman Zaldy Co.
Ang pagtestigo ng isang nakaupong kalihim laban sa mga makapangyarihang pigura ay isang matapang na hakbang.
Ito ang magsisilbing testamento kung seryoso ba ang administrasyong ito sa pagpapanagot sa mga lumustay sa kaban ng bayan, partikular na sa mga “ghost flood control projects” na madalas maging mitsa ng buhay ng mga Pilipino tuwing may sakuna.
Ang paglilinis sa DPWH ay hindi magagawa sa isang gabi lang. Isa itong higanteng makinarya na may mga turnilyong kinalawang na ng dekadang katiwalian.
Gayunpaman, ang pagkilos na ito ni Dizon ay isang magandang simula. Ang hamon ngayon sa gobyerno: ituloy ang imbestigasyon hanggang sa huli, siguraduhing may mapaparusahan, at huwag hayaang maging ningas-kugon lamang ang kampanyang ito.
Ang palakol ay nakataas na. Siguraduhin nating sa pagbagsak nito, ang tatamaan ay ang mga tunay na anay na sumisira sa pundasyon ng ating serbisyo publiko.
