Mga ka-Sampaguita, dalawampu’t limang taon na rin pala ang nakararaan nangyari ang malagim na pagguho ng basura sa Payatas noong 2000 na kumitil sa mahigit 200 buhay at tila walang natutunan ang ating bansa.
Ang kamakailang trashslide sa Binaliw, Cebu City noong nakaraang linggo ay hindi isang “aksidente.” Ito ay isang trahedyang matagal nang nakaplano—bunga ng kapabayaan, kasakiman, at inutil na sistema. Sonabagan!
Kasalanan ng Kalikasan o Kapabayaan ng Tao?
Mabilis pang maghugas-kamay ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) nang isisi nila ang trahedya sa “patuloy na pag-ulan.”
Ngunit huwag tayong malinlang. Ang pag-ulan ay natural na phenomenon; ang pagtambak ng tone-toneladang basura sa isang mataas na lugar na hindi kayang suportahan ang bigat nito ay isang engineering nightmare at kriminal na kapabayaan.
Gaya ng nangyari sa Payatas, ang Binaliw landfill ay naging isang higanteng “bundok ng basura” sa halip na isang maayos na pasilidad na nasa ilalim ng lupa (deep surface).
Nang sipsipin ng basura ang ulan mula noong Nobyembre hanggang Disyembre 2025, naging time bomb ang landfill na naghihintay na lamang ng mitsa. Ang resulta? Labing-isa ang kumpirmadong patay, at marami pa ang nawawala.
Ang “Usual Template” ng Gobyerno
Nakakasuka na ang gasgas na template ng ating gobyerno tuwing may ganitong sakuna. Maglalabas ang DENR ng suspension order. Magpapa-imbestiga ang mga mambabatas. Magbibigay ng mga “matatapang” na pahayag si Senador Imee Marcos o kung sinumang politiko sa harap ng kamera. Ngunit nasaan sila noong 2019 pa lamang ay inuulan na ng reklamo ang pasilidad dahil sa masangsang na amoy at paglabag sa environmental standards?
Ang Prime Integrated Waste Solutions Inc. (PWS) na pagmamay-ari ni Enrique Razon, ang pinakamayamang tao sa bansa, ay matagal nang nakatanggap ng mga notice of violation.
Noong Agosto 2024, nakitang tila isang “open dumpsite” na lamang ang operasyon nito—isang malinaw na paglabag sa Republic Act 9003. Ngunit sa halip na ipasara, “kid gloves” o malambot na kamay lamang ang ginamit ng Cebu City Solid Waste Management Board. Bakit? Dahil ba higante ang kalaban?
Ang Nabali na Pangako ni Mayor Archival
Noong Hunyo 7, 2025, nagbitiw ng matapang na babala si Mayor-elect Nestor Archival: Ipapasara niya ang landfill kung magpapatuloy ang mga paglabag. Sabi pa niya, prayoridad niya ang kalusugan ng publiko. Anim na buwan ang lumipas, nasaan ang aksyon?
Bakit hinayaan ni Mayor Archival na umabot sa punto na kailangang magbuwis ng buhay ang mga manggagawa at residente? Natakot ba siya sa impluwensya ni Razon? O baka naman nakapiring ang hustisya kapalit ng kung anong “shortcut” o kompromiso? Ang kanyang pananahimik at kawalan ng aksyon bago ang pagguho ay kasing-ingay ng pagsabog ng basura na narinig ng mga residente.
Kailan tayo matututo?
Ang batas na RA 9003 ay isinilang dahil sa luha at dugo ng mga biktima ng Payatas. Ngunit sa Binaliw, pinatunayan nating ang batas ay papel lamang kung hindi ito ipapatupad laban sa mga makapangyarihang korporasyon.
Ilang buhay pa ang kailangang mabaon sa basura bago tayo matauhan? Ang trahedya sa Binaliw ay hindi gawa ng ulan.
Ito ay gawa ng isang gobyernong mas pinahahalagahan ang interes ng mga tycoons kaysa sa kaligtasan ng mga maliliit na mamamayan. Kung ang layunin ng gobyerno ay protektahan tayo, sa Binaliw, sila ay bigong-bigo.
