Tahasang binira nina dating Senator Francis Tolentino at National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) spokesperson Commodore Jay Tarriela ang tumitinding “disinformation campaign” at diplomatikong panghihimasok ng China sa gitna ng usapin sa teritoryo ng bansa.
Sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay forum nitong Miyerkules, binigyang-diin ni Tolentino na ang bagong isinabatas na Philippine Maritime Zones Act (RA 12064) ang nagsisilbing pinakamalakas na sandata ng Pilipinas sa aspetong legal.
Sinabi naman ni Tarriela, nasa gitna na ngayon ang Pilipinas ng isang “battle of narratives.”
Iginiit niya na ang polisiya ng gobyerno na ilantad ang bawat insidente ng pangha-harass ng China ay epektibo dahil nakukuha nito ang atensyon at suporta ng international community.
“Ang transparency efforts natin ay magpapatuloy. Hindi ito para mang-insulto, kundi para ipaalam sa buong mundo na ang China ang tumatangging sumunod sa international law,” ani Tarriela.
Nagbabala rin siya laban sa mga “trolls” at ilang politiko na nagpapakalat ng maling impormasyon na naglalayong lituhin ang mga Pilipino tungkol sa karapatan ng bansa sa WPS.
Pinuna naman ni Tolentino ang naging pahayag ng Chinese Embassy laban sa mga senador. Ayon sa dating mambabatas, malinaw itong paglabag sa Vienna Convention on Diplomatic Relations.
“Hindi dapat sila (diplomats) nakikialam sa legislative affairs ng Pilipinas. Ang Senado ay katuwang ng Pangulo sa pagbuo ng foreign policy sa ilalim ng ating Konstitusyon,” paliwanag ni Tolentino.
Sinagot din ni Tolentino ang mga kumukuwestiyon sa layo ng ilang isla gaya ng Pag-asa. Ginamit niyang halimbawa ang ibang bansa gaya ng UK at US na nagmamay-ari ng mga teritoryo na libu-libong milya ang layo mula sa kanilang mainland.
Nilinaw din niya na sa ilalim ng UNCLOS, hindi “mapa” ang nire-register kundi ang mga eksaktong coordinates ng mga hangganan, bagay na matagal nang nagawa ng Pilipinas noong 2009 pa.
Samantala, kinumpirma ni Tarriela na malaking tulong ang mga bagong aircraft (King Air) mula sa Estados Unidos na may ISR capabilities.
Mas mapapadali na aniya ang pag-dokumento sa presensya ng Chinese Coast Guard at maritime militia sa loob ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ).
Nagtapos ang talakayan sa panawagan ng pagkakaisa ng mga Pilipino laban sa pekeng balita at ang pagpapatuloy ng edukasyon sa kabataan upang hindi malimutan ang karapatan ng bansa sa mga susunod na saling-lahi. (MINA PADERNA)
