PORMAL nang lumagda ang China at Russia sa 22 kasunduan upang higit pang patibayin ang kanilang ugnayan at posisyon sa Global South sa gitna ng hidwaan ng Estados Unidos at Kanluran hinggil sa mga taripa na ipinataw ni dating US President Donald Trump.
Naganap ang paglagda sa mga kasunduan kasabay ng apat na araw na pagbisita ni Russian President Vladimir Putin sa Beijing, kung saan dumalo rin siya sa seremonya ng pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at sa Shanghai Cooperation Organization (SCO) Summit sa Tianjin noong Agosto 31 hanggang Setyembre 1.
Pinuri ni Putin ang mainit na pagtanggap sa kanya sa China at iginiit na ang mga bagong kasunduan ay nagdala sa relasyon ng Russia at China sa “walang kapantay na antas,” na nakabatay sa “tiwala, pagtutulungan, at katatagan sa pagtatanggol ng mga magkakaparehong interes.”
Sinabi naman ni Chinese President Xi Jinping na napatunayan na ng dalawang bansa ang tibay ng kanilang ugnayan “sa kabila ng mga pagbabago sa pandaigdigang kalagayan.”
Saklaw ng mga kasunduan ang kooperasyon sa enerhiya, agham, kalusugan, agrikultura, at media. Nakikita itong magbibigay ng access sa China sa malalaking likas-yaman ng Russia para mapanatili ang paglago ng kanilang ekonomiya, habang nagbibigay naman ng hard currency sa Moscow sa gitna ng giyera nito laban sa Ukraine at mga kaalyado ng Kanluran.
Ayon sa ulat ng Kremlin, kabilang sa pinakamahahalagang kasunduan ang Power of Siberia 2 gas pipeline project sa pagitan ng Gazprom at China National Petroleum Corporation, gayundin ang kasunduan ng Rosatom at China’s Atomic Energy Agency para sa mapayapang paggamit ng nuclear energy.
Kasama rin sa mga kasunduan ang pagtutulungan sa space exploration, kabilang ang paggamit ng China sa “Dust Monitoring of the Moon” instrument ng Russia para sa Chang’e-7 spacecraft ng Beijing. (LIMUEL TOLENTINO)
