Patay ang isang caretaker matapos barilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa loob ng isang bahay sa Sun Valley Subdivision, Brgy. Inarawan, Antipolo City, nitong Linggo, Setyembre 14, 2025.
Kinilala ang biktima na si Anthony (hindi pa inilalabas ang buong pangalan), nasa hustong gulang, caretaker at stay-in employee ng naturang bahay.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Antipolo City Police Station (CCPS), nasa loob ng bahay ang biktima at saksi na kinilalang si Girlie, isang kasambahay, nang makarinig sila ng mga ingay mula sa itaas na bahagi ng bahay.
Nang suriin ito ng biktima, bigla umano siyang binaril ng suspek gamit ang hindi pa natutukoy na kalibre ng baril.
Dead on the spot ang biktima.
Agad namang rumesponde ang Rizal Forensic Unit para sa technical crime investigation, habang kasalukuyan nang nirerepaso ang mga kuha ng CCTV sa lugar upang makilala ang salarin.
Kabilang sa mga isinagawang aksyon ng pulisya ang canvassing ng CCTV, follow-up operations para sa agarang pag-aresto sa suspek, station dragnet operations, at profiling ng biktima.
Patuloy ang imbestigasyon hinggil sa motibo at pagkakakilanlan ng suspek.
