
KINUMPIRMA ng Malacañang nitong Lunes, Setyembre 15, na hindi dadalo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 80th United Nations General Assembly (UNGA) general debate sa New York upang magpokus umano sa mga lokal na usapin.
“The President has delegated his engagements at the UNGA to the Secretary of Foreign Affairs to allow him to focus on local issues,” ayon kay Communications Secretary Dave Gomez.
Ang general debate, na magbubukas sa Setyembre 23, ay magsisilbing simula ng 80th session ng UNGA. Kung dumalo sana ang Pangulo, ito na sana ang kanyang ikalawang pagkakataon mula nang manungkulan. Una siyang nagsalita sa entablado ng UNGA noong 2022, ilang buwan matapos mahalal.
Inaasahan sanang gagamitin ni Marcos ang okasyon upang itulak ang kandidatura ng Pilipinas para sa isang non-permanent seat sa United Nations Security Council (UNSC) para sa taong 2026–2027. Ang nasabing nominasyon ay una niyang inihayag sa 77th UNGA, at gaganapin ang botohan sa kalagitnaan ng 2026. Kabilang din sa mga kakompetensiya ng Pilipinas ang Kyrgyzstan para sa puwesto ng Asia-Pacific group.
Ipapalit kay Marcos si Foreign Affairs Secretary Maria Theresa Lazaro upang gampanan ang mga nakatakdang aktibidad ng bansa sa UNGA, bagama’t hindi pa inilalantad ng DFA at Malacañang ang detalye ng mga ito.
Hindi rin binanggit ng Palasyo kung anong partikular na lokal na isyu ang tinutukoy, ngunit kasalukuyan ang bansa ay hinahaplos ng kontrobersiya kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects at posibleng conflict of interest ng ilang kontratista at mambabatas.
Noong Setyembre 15, inanunsyo ng Pangulo ang pormal na komposisyon ng isang independent body na magsisiyasat sa mga flood control at iba pang infrastructure projects sa nakalipas na 10 taon. (BOYET BARBA JR)
