Sa kanyang huling taon sa UAAP, nahaharap ang two-time Best Setter na si Camilla Lamina sa isang hindi pamilyar na papel: ang maging “steady presence” mula sa bench para sa National University (NU).
Ngunit nitong Sabado, pinatunayan ni Lamina na hindi nasusukat sa pagiging starter ang halaga ng isang beterano. Matapos ipasok sa huling bahagi ng second set habang hirap ang Lady Bulldogs na mahanap ang kanilang ritmo, agad na nagdala ng kalmado at linaw si Lamina upang i-angat ang defending champions sa isang dikit na five-set victory laban sa FEU.
Nagtala si Lamina ng 19 excellent sets, ngunit higit pa sa istatistika, ang kanyang emosyonal na katatagan ang naging angkla ng koponan sa krusyal na ikalimang set.
“Siguro, per game talaga kung sino yung kailangan sa loob, yun yung gagamitin. Depende talaga kung ga’no din ka-ready yung mga players,” ani Lamina ukol sa kanyang bagong papel sa koponan.
Inamin din niya na dahil nasa labas siya sa simula ng laro, mas nakikita niya ang mga pagkukulang sa loob ng court, kaya mas madali para sa kanya ang mag-adjust at sumunod sa instruksyon ng mga coach kapag ipinasok na siya.
Malaki na rin ang ipinagbago ng responsibilidad ni Lamina ngayong season. Kung dati ay siya ang ginagabayan ng kanyang mga “ate,” ngayon ay siya na ang tumatayong lider para sa mga nakababatang spikers ng NU.
Ayon kay Lamina, prayoridad niya ngayon ang i-uplift ang morale ng mga rookie at sophomores lalo na kapag naba-block ang mga ito.
Sa kabila ng kompetisyon sa posisyon, buo ang tiwala ni Lamina sa kasalukuyang starting setter na si Abe Pono. “Magaling talaga siya. Sometimes, gina-guide ko lang din siya at nagfi-feedback,” dagdag niya.
Bagama’t nakuha ang panalo, inamin ng senior setter na hindi pa “100% connected” ang kanyang laro sa mga bagong attackers ng Lady Bulldogs.
Aniya, kailangan pa ng mas maraming repetition sa training upang mas mapatibay ang kanilang ugnayan sa loob ng court.
Sa huli, pinatunayan ni Lamina na siya pa rin ang “quiet commander” ng NU—ang stabilizer na handang sumaklolo sa tuwing nanganganib ang kampanya ng defending champions. (RON TOLENTINO)
