Inamin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na narating na ng monetary policy ang limitasyon ng pagiging epektibo nito sa pagpapasigla ng ekonomiya.
Dahil dito, ibinibigay na ng BSP ang hamon sa pambansang gobyerno na ipatupad ang mga fiscal reform at tugunan ang mga kabiguan sa pamamahala o governance failures.
Sa isang panayam noong Biyernes, Pebrero 20, binigyang-diin ni BSP Governor Eli Remolona Jr. na bagama’t ginagawa ng central bank ang bahagi nito sa pagbabawas ng borrowing costs, hindi kayang punan ng pagbabawas ng interest rates ang mga “structural issues” na naging sanhi ng matinding pagbagal ng ekonomiya noong 2025.
Kasunod ito ng desisyon ng Monetary Board na bawasan ang key policy rate ng 25 basis points patungong 4.25 porsyento. Layon nito na pagaanin ang epekto ng output slump na hindi agad naasahan ng central bank.
“We have very limited tools in monetary policy. We’re at the point where monetary policy cannot do much more,” pahayag ni Remolona. “Interest rates [alone] can’t do the trick. We need support from other measures, and those come from the fiscal side.”
Binigyang-diin din ng gobernador na ang pagbagsak ng ekonomiya noong 2025 ay dulot ng epekto ng korapsyon, na nagparalisa sa sektor ng konstruksyon sa bansa, pati na ang mga isyu sa pamamahala na nagsimula noong pumutok ang iskandalo sa flood control noong nakaraang taon.
Sa kabila ng pagbaba ng GDP growth forecast ng BSP patungong 4.6 porsyento para sa 2026, nananatiling kumpiyansa si Remolona na kontrolado ang implasyon kaya may sapat pa silang puwang para suportahan ang paglago ng bansa.
Gayunpaman, binigyang-diin niya na ang muling pagbangon ng kumpiyansa ng publiko at ng merkado ay nakadepende sa kung gaano ka-epektibong matutugunan ng pamahalaan ang mga isyu sa integridad at maayos na pagpapatupad ng mga proyekto.
Dahil sa umiiral na kawalan ng katiyakan, itinaas din ng BSP ang inflation forecast nito sa 3.6 porsyento para sa taong 2026 habang maingat na binabantayan ang bilis ng pagbabalik ng tiwala ng mga mamumuhunan. (MINA PADERNA)
