Matinding banat ang ipinukol ng political analyst at dating presidential adviser na si Ronald Llamas kay Senador Robin Padilla matapos ihayag ng huli ang kaniyang kahandaang tumakbo bilang Bise Presidente sa 2028 kung iuutos ito ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nag-ugat ang kritisismo ni Llamas sa naging pahayag ni Padilla na tatanggapin niya ang posibilidad na maging running mate ni Bise Presidente Sara Duterte basta’t ito ang maging direktiba ng nakatatandang Duterte.
Ayon kay Llamas, kinuwestiyon nito ang independensya ng senador bilang isang lider ng bansa.
Sa kaniyang reaksyon, sinabi ni Llamas na tila kinumpirma lamang ni Padilla ang mga akusasyon na wala itong sariling paninindigan.
“‘Yong gusto mo maging Vice President hindi dahil nais mo maglingkod, pero uutusan ka ng preso sa ICC. He only confirmed accusations na wala siyang sariling utak,” ani Llamas.
Sa kasalukuyan, isa si Padilla sa mga pangalang lumulutang na posibleng maging katandem ni VP Sara Duterte sa susunod na halalan, kasama sina Senador Imee Marcos at iba pang personalidad sa politika.
Sa kabila nito, wala pa ring pormal na anunsyo ang Bise Presidente kung sino ang kaniyang magiging opisyal na running mate para sa 2028.
