Masaya si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone sa pagdating ni Justine Baltazar sa national team pool, kung saan binigyang-diin niya ang pambihirang kakayahan ng manlalaro na gumanap sa iba’t ibang posisyon sa loob ng court.
Bagama’t sentro ang ginagampanang papel ni Baltazar para sa Converge sa PBA, nakikita siya ni Cone bilang isang versatile forward na kayang makisabay sa bilis at laro ng mga wing players ng bansa.
Sa taas na 6-foot-9, naniniwala si Cone na mas malapit ang istilo ng laro ni Baltazar kay Justin Brownlee kaysa sa mga tradisyunal na big men gaya nina Kai Sotto o Quentin Millora-Brown (QMB).
“He brings a different kind of dimension to us,” ani Cone. “He’s not truly a big, but he is a versatile wing, 3, 4, and he can play with Justin [Brownlee]. It would be interesting to put him and Carl [Tamayo] and Justin out at the same time.”
Ayon sa veteran coach, matagal na nilang minamanmanan si Baltazar. Nabigyan lamang ng pagkakataon ang muling pagtawag dito ngayong liliban muna si Kai Sotto sa darating na FIBA window laban sa New Zealand at Australia dahil sa tinamo nitong ACL injury.
Ito ang unang pagkakataon na maglalaro si Baltazar para sa bandila mula noong 2021 FIBA Asia Cup Qualifiers sa Pampanga bubble. Gayunpaman, nilinaw ni Cone na hindi pa garantisado ang puwesto nito sa final 12 na haharap sa Tall Blacks at Boomers.
Nakadepende ang lahat sa kung gaano kabilis makakasabay si Baltazar sa sistema ng Gilas, lalo na sa aspeto ng depensa.
“If we can get him up to snuff in terms of what we do and how we do it and if we can get him to defend, that’s really the key for us,” dagdag pa ni Cone.
Sa kabila nito, kumpiyansa ang coaching staff na ang presensya ni Baltazar ay magbibigay ng mas malalim na opsyon para sa pambansang koponan sa gitna ng mga hamon sa kanilang line-up. (RON TOLENTINO)
