May 19, 2024

CAINTA MASSACRE

Nakahandusay at wala nang buhay ang tatlong katao, na kinabibilangan ng isang ginang, kanyang anak at pamangkin, sa loob ng kanilang tahanan sa Cainta, Rizal makaraan pagsasaksakin ng hindi pa nakikilalang suspek.

Ayon sa Cainta Police Station, duguang natagpuan ang mga biktima na sina Angelica Antonio Manaloto, 24, kanyang anak na si Nica Manaloto, Mangi, 4, at pamangkin na si Renz Orly Manaloto Trinidad, 7, pawang residente ng 4753 Rizal St., San Francisco, Brgy. San Juan, Cainta.

Nabatid na may mga saksak ang katawan ng mga biktima na naging dahilan ng kanilang kamatayan.

Sa ulat, kahapon (Miyerkules) dakong alas-07:05 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng mga biktima.

Una rito, dumating ang kapatid ni Angelica na si Erickson Manaloto sa kanilang bahay at kumakatok ng ilang beses subalit hindi ito pinagbuksan.

Napansin din na bukas ang pintuan sa gilid ng kanilang bahay.

Dito na nagtulong-tulong ang mga kapitbahay na buksan ang main gate at dito na tumambad sa kanila ang mga duguang biktima.

Masusi nang iniimbestigahan ng mga otoridad ang krimen upang matukoy kung sino ang mga taong nasa likod nito, gayundin ang motibo sa pagpatay.

Samantala, hustisya ang hinihingi ng mga kaanak, partikular ang ina ni Manaloto laban sa responsable sa pamamaslang.