Double celebration ang naganap sa lalawigan ng Bulacan nitong Biyernes, Enero 23, 2026, sa paggunita ng ika-127 Anibersaryo ng Unang Republika ng Pilipinas at ang pormal na paglalantad ng Makasaysayang Pananda ng Kapitolyo ng Bulacan.
Pinangunahan ni Gobernador Daniel R. Fernando ang paghahawi ng tabing sa bagong historical marker na matatagpuan sa harap mismo ng gusali ng Pamahalaang Panlalawigan. Ang panandang ito, na mula sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP), ay simbolo ng mayamang kontribusyon ng Kapitolyo sa kasaysayan ng bansa.
Kasama ng Gobernador sa seremonya sina Bise Gobernador Alexis C. Castro, NHCP Executive Director Carminda R. Arevalo, NHCP Deputy Exec. Dir. Rosario V. Sapitan, Panlalawigang Tagapangasiwa Antonia V. Constantino, mga Bokal na sina Romina Fermin, Michael Aquino, at Fortunato SJ. Angeles.
Samantala, nagtipon ang mga opisyal sa makasaysayang Simbahan ng Barasoain para sa ika-127 anibersaryo ng pagkakatatag ng Unang Republika ng Pilipinas (Malolos Republic).
Nagsilbing panauhing pandangal si San Juan City Mayor at League of Cities of the Philippines (LCP) President Francisco Javier M. Zamora.
Sa kaniyang talumpati, binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaisa at ang legasiya ni Heneral Emilio Aguinaldo sa paghubog ng demokrasya sa bansa.
Dumalo rin sa nasabing pagtitipon sina Malolos City Mayor Atty. Christian D. Natividad, Vice Mayor Gilbert T. Gatchalian, at mga kinatawan mula sa PNP na sina PCOL Rommel S. Batangan at PCOL Angel L. Garcillano.
