May 7, 2024

BUHAY ‘DIE HARD’ GINEBRA FANS NOONG DEKADA ’80-’90

NAGSIMULA ang kauna-unahang ‘play for pay ‘sa Asia na Philippine Basketball Association (PBA) noong dekada ’70 kung saan ay patok agad ang Toyota-Crispa rivalry.

Iba ang mga panatiko ng dalawang pinakasikat na team  sa PBA  noon kung saan daig pa ang showbiz  fans  sa following at lalong sumidhi ang kanilang rivalry in  and out of the playing  court na tinampukan pa  ng  rambulan ng mga players sa dugout na bentang -benta sa liga mula sa fans , teams  at media.

Laging puno ang Araneta kapag Crispa-Toyota sa banggaan ng mga idolong sina Redmanizers Bogs Adornado, Atoy Co, Philip Cesar ,Bernie Fabiosa, Freddie Hubalde  import Cyrus Mann laban kina Tamaraws Robert Jaworski, Francis Arnaiz, Mon Fernandez, Bigboy Reynoso, Abe King  at reinforcement Byron ‘Snake  Jones.

Pero ‘di naging forever ang ribalan nang mabuwag ang dalawang koponan sa magkaibang panahon. Sa pagkawala ng Toyota ay  lumutang ang Ginebra era.

Magmula sa pangalang Gilbey’ s Gin  kung saan napadpad ang binansagang  ‘Mutt n Jeff ‘na sina Jawo at Kiko ay naglipatan  din ang maraming Toyota fanatics at sinundan ang dalawang idolo sa hardcourt. Naging pulutong sila  hanggang maging GINEBRA NA! Gordon’s Gin at Barangay Ginebra San Miguel noong dekada “80 hanggang ’90.

Mas matindi ang fans ng tropa ni Jawo. Lahat nang kalabang koponan ng Ginebra ay mortal na karibal nito at kuyog sa die hard Ginebra fans. Ang buhay ng panatiko ng binansagang never-say-die team ay lubhang apektado manalo man o matalo.

Kapag panalo ang Ginebra, ang ganda ng gising nila at halos pakyawin ang mga diyayo sa newstand upang basahin ang resulta ng larong pinanood naman nila buong game sa telebisyon o mismo sa  Cuneta  sa Pasay o ULTRA sa Pasig na pinanonood din sa mga restoran, bars, terminal, aircon bus  at may pa-ending pa  noon . Maaga pa lang ay nasa pila na sila habang ang  ibang  me sobrang pera ay bumibili pa sa mga iskalper  nang halos triple ang presyo para makatiyak lang ng upuan pag may laro ang Ginebra.

Maganang kumain, masaya ang maghapon dahil ligtas sa kantyaw at ang iba ay nagpapainom pa  na kahit malasing basta ang topic ay Ginebra at si Jawo ay ‘sky is the limit’ ang laklakan at kuwentuhan.

Pero kapag talo ang Ginebra, masama ang gising, mainit ang ulo at halos punitin ang diyaryo kaya huwag lang  kantiyawan kundi ay maghahalo ang balat sa tinalupan tulad na lang ng madalas mangyari  kapag labasan sa Cuneta o ULTRA at talo ang  manok nila ay habulan at away ang eksena sa kalsada kapag nakantyawan ang Ginebra fans ng ‘talo na naman.. uwi na kayo!! Kaya madalas sa presinto sila nagkakaliwanagan.

Isang klase ng panatikong Ginebra ay si Ka Tony ‘Ambo Ambulario (sumalangit nawa)  ng Blumentritt sa Maynila. Sobrang inidolo si playing coach Jaworski kaya  kahit saan team maglaro si Big J ay doon siya.

Laging nakahiwalay sa kanyang malakas na  kita  sa palengke ng Blumentritt ang panggastos sa tiket at pagkain pati pamblow-out ‘pag nanalo ang Ginebra. Siya iyong panatikong ipamimigay ang suot na jacket o t-shirt kapag talo ang kanyang living legend  dahil aniya ay malas ang Ginebra  pag iyon ang suot niya. Inaaway niya kahit siga sa kanto ‘pag ang Ginebra ay talo.

Tunay na napakalaki ng impluwensiya ng Ginebra at ni Jaworski sa buhay ng Ginebra fans noon mula sa mga  babae at lalaki, bata o matanda at anumang katayuan sa buhay kaya buhay na buhay ang PBA  lalo noong  panahon ni PBA Commissioner (late) Jun Bernardino.

Noon ay umaalingawngaw ang sigaw na GI-NEB-RA,,, JA-WORS-KI! lalo kapag tinatambakan nila ang kalaban o naghahabol sa mga pukol na tres ng mga asintadong Ginebra shooters.

Instant sikat  kapag naging player ng Ginebra lalo kapag 3 syllables ang pangalan ay kasama sa chant ng fans tulad nina LOY-ZA-GA!, GON-ZAL-GO!, I-SA-AC, MA-MA-RIL,! JA-REN-CIO,DIS-TRI-TO! A-QUI-NO! Maliban sa mga sumikat ding Gin Kings na sina Dondon Ampalayo. Bal David , Vince Hizon,Noli Locsin pati sina  Ed Ducut, Rolly Buhay  at super sikat na imports na sina Michael Hackett, Billy Ray Bates at Joe Ward.

May nakagawa pa nga ng kanta mula sa isang singer na frustrated fanatic dahil mas madalas ang talo noon ng Ginebra  upang magpapanalo naman sa mensahe ng kanta.

Sila iyong mga panatikong galit na galit kina Ronnie Magsanoc, Benjie Paras, Alvin Patrimonio, Glenn Capacio, Johnny Abarrientos , Jojo Lastimosa, Vergel Meneses, Allan Caidic,  Kenneth Duremdez, Gerry Esplana, Hector Calma maging si Fernandez na madalas na  dahilan ng kabiguan ng Ginebra pero tulad ng kanilang  beloved team ay never-say-die sila.

Ganoon din kalakas ang impluwensiya ng die hard Ginebra fanatics kung kaya marami din itong napanalunang kampeonato na humawa pa sa sumunod na henerasyon nina Jayjay Helterbrand, Mark Caguioa, LA Tenorio, Japeth Aguilar, Scottie Thompson at mga bagong Gin Kings na  sinusundan,  iniidolo at tinitilian tuwing may laban ang GI-NEB-RA!