Nagpasabog ng mabibigat na paratang si Senator Imee Marcos laban mismo sa kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at kanilang mga anak, sa harap ng tinatayang kalahating milyong dumalo sa Iglesia ni Cristo rally sa Maynila nitong Lunes ng gabi, Nobyembre 17.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Imee na matagal nang alam ng pamilya ang umano’y paggamit ng illegal drugs ng Pangulo.
“Simula pa noong bata pa kami ni Bongbong, alam na ng buong pamilya ang tungkol sa kanya,” sabi ni Imee. “Habang tumatanda siya, mas naging nakababahala. Alam kong gumagamit siya ng droga.”
Dagdag pa niya, lalo umanong lumala ang adiksyon ng Pangulo matapos nitong magpakasal kay First Lady Liza, na inakusahan din niyang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. Maging ang presidential children, kabilang ang Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos, ay isinali rin ni Imee sa listahan ng umano’y sangkot.
Ayon pa sa senadora, hinihikayat umano ng First Family ang iba pang kamag-anak, kabilang ang sariling mga anak ni Imee, na gumamit ng droga.
Sa isang emosyonal na panawagan, sinabi niya na, “Hinihingi ko na tayo ay umuwi na. Mamahinga. Alang-alang sa iyong kalusugan… Ayusin mo ang sarili mo. Magpagamot. Alisin ang droga sa iyong sistema.”
Ikinuwento rin ni Imee na lumalim ang distansiya sa pagitan nila ng kapatid matapos itong manalo sa pagkapangulo noong 2022.
Bukod sa mga opisyal na pagtitipon at pagdalaw kay dating First Lady Imelda Marcos, sinabi niyang iniiwasan na niya ang First Family dahil umano sa “blatant drinking and use of cocaine and other illegal drugs.”
Giit pa niya, ang umano’y paggamit ng droga ng Pangulo ang ugat ng “flood of corruption” at maling desisyon sa pamahalaan.
Mabilis na sinagot ng Palasyo ang mga paratang. Binigyang-diin ni Press Officer Usec. Claire Castro na negatibo ang mga naunang drug test ng Pangulo at walang ebidensyang sumusuporta sa mga sinabi ng senadora.
Ayon kay Castro, posibleng may kinalaman ito sa mga napipintong imbestigasyon na posibleng maharap ng ilang kaalyado ni Imee sa Senado.
“Kung totoong maka-Pilipino ka at totoong makabayan ka, Senator Imee, tumulong ka sa pag-iimbestiga. Dapat ma-pinpoint kung sino talaga ang sangkot sa korupsiyon. Huwag mong siraan ang kapatid mo. Hindi ito ang issue ngayon,” giit ni Castro sa isang livestream sa kanyang YouTube channel.
Nangyari ang palitan ng akusasyon habang lumalakas ang panawagan para sa mabilis na aksyon sa flood control scandal, kung saan sinabing mabagal ang pag-usad ng mga kaso.
Iginiit ni Pangulong Marcos na naghahanda ang gobyerno ng “solid cases” para matiyak ang conviction at mabawi ang ninakaw na pondo.
Habang tumitindi ang palitan sa loob ng pamilyang Marcos, tila lalo pang umiinit ang political climate na kinasasangkutan ng Presidente, Senado, at mga ahensiyang target ng imbestigasyon.
Ang publiko nama’y sabik sa malinaw na ebidensya at agarang aksyon sa mga kasong may direktang epekto sa bansa. (Arnold Pajaron Jr)
