
Isinusulong ngayon sa Senado ang panukalang batas na magbibigay ng buong scholarship sa mga anak ng sundalo, pulis, bumbero, at iba pang uniformed personnel na nasawi o permanenteng na-dispatch sa tungkulin.
Sa ilalim ng Senate Bill 684 o “Scholarship for Children of Fallen MUP Act of 2025” na inihain ni Senador Bong Go, tiniyak na hindi malilimutan ng Estado ang sakripisyo ng mga tinaguriang bayani sa uniporme.
Ayon kay Go, hindi lamang ang bansa ang nagluluksa kapag may nagbuwis ng buhay sa serbisyo, kundi pati pamilya nilang naiiwan lalo na ang mga anak na agad nawawalan ng kinabukasan.
“Sa pamamagitan ng panukalang ito, hindi lang natin pinararangalan ang kanilang kabayanihan. Ginagawa rin nating posible ang pangarap ng kanilang mga anak,” ani Go.
Sasaklawin ng programa ang lahat ng gastusin sa pag-aaral mula pagkamatay o pagka-disable ng breadwinner hanggang makapagtapos ang bata ng apat o limang taong kurso. Libre rin ang tuition sa anumang paaralan, kolehiyo o unibersidad na kanilang mapipili.
Kasama sa saklaw ng SB 684 ang mga anak ng tauhan ng AFP, PNP, NBI, Coast Guard, BFP, PDEA, at BJMP.
Para kay Go, ang edukasyon ang “pinakamalaking equalizer” sa lipunan kaya’t ang pagbibigay ng libreng edukasyon ay hindi lamang agarang ayuda, kundi isang pangmatagalang pamana na magbibigay ng pagkakataong makaahon at maging lider, propesyonal, at mabuting mamamayan ang mga anak ng mga “fallen heroes.”
Kapag naisabatas, magsisilbi itong buhay na parangal. Ang pagkawala ng isa ay magiging daan para sa pag-angat ng iba, at titiyak na “walang anak ng bayani ang maiiwan.”
