Larawan mula sa ABS-CBN
INIREKOMENDA ng ilang lider ng Kamara na isauli sa Malacañang ang panukalang 2026 National Expenditure Program (NEP) matapos mismo umamin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may bahid ito ng “budget insertions.”
Ayon kay Deputy Speaker Ronie Puno, hindi maaaring ipagwalang-bahala ang mga iregularidad na lumitaw sa paunang pagsusuri ng P6.793-trilyong pondo para sa susunod na taon. Giit niya, taliwas ito sa panawagang transparency at accountability ng administrasyon.
“Kahit anong anggulo tingnan, hindi pwedeng simulan ang deliberasyon sa badyet na punô ng kuwestiyonableng alokasyon,” pahayag ni Puno.
Kasama ni Puno sa paninindigang ito sina Deputy Speakers Janette Garin at Bambi Emano, gayundin sina Reps. Mark Enverga, Eleandro “Budoy” Madrona, Rolan Valeriano at Jose Alvarez.
Batay sa ulat ng House bloc, kapansin-pansin ang mga sumusunod:
- DPWH flood-control projects na may magkakaparehong alokasyon na aabot sa bilyon-bilyon.
- Double appropriations para sa mga proyektong natapos na.
- Lump sum funds na ilalagay sa DPWH na kulang sa detalye at bantad sa abuso.
- Unsolicited firearms request ng DILG/PNP na hindi kabilang sa orihinal na panukala ng Pangulo.
- “Allocation-for-sale” scheme sa farm-to-market roads ng Department of Agriculture.
Hindi raw ito basta “clerical errors” kundi bahagi ng mas malalim na problema sa pagbuo ng pambansang badyet.
Hinihingi ng mga kongresista na personal na magpaliwanag kay Marcos at sa publiko ang mga kalihim ng DPWH, DBM, DA, at DILG, pati ang hepe ng PNP.
“Hindi maisusulong ang Bagong Pilipinas kung mismong badyet ng gobyerno ay butas-butas at madaling pagmulan ng korapsyon,” ayon sa kanilang pahayag.
Tiniyak ng Kamara na handa silang magpasa ng makatao at makatarungang badyet sakaling magsumite ang Palasyo ng bagong, malinis na bersyon.
“Hindi dadaan ang anumang badyet na puno ng anomalya. Ang kapangyarihan ng purse ay nasa Kongreso para tiyakin na ang bawat pisong buwis ay nagagamit ng tama,” pagtatapos ng kanilang pahayag.
