Magbabalik sa Pilipinas ngayong Setyembre ang retired NBA superstar at dating league MVP Derrick Rose para muling makipag-court showdown sa ilang pinakamalalaking pangalan sa lokal na basketball.
Si Rose, na tuluyang nagretiro noong 2024 matapos ang 15 taon sa NBA, ay magbabahagi rin ng kanyang inspirasyon at karanasan sa mga Pinoy fans na matagal nang sumusuporta sa kanya mula pa nang kanyang meteoric rise sa Chicago Bulls.
Hindi na bago ang mainit na pagtanggap ng mga Pinoy kay Rose. Una siyang dumayo sa bansa noong 2011 kasama sina Kobe Bryant, Kevin Durant at Chris Paul para sa isang exhibition game. Bumalik siya noong 2013 para sa sariling Manila tour na dinumog ng libo-libong fans.
Bukod sa Chicago, naglaro rin ang ex-MVP para sa Knicks, Cavs, Timberwolves, Pistons at Grizzlies bago tuluyang nagbitaw sa laro.
Ang pagbabalik niya sa Manila ay kasunod ng nakatakdang retirement ceremony ng kanyang Bulls jersey sa Enero 2026. (RON TOLENTINO)
