Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang aabot sa ₱47.6 milyon halaga ng hinihinalang shabu mula sa checked-in luggage ng isang South African national noong Agosto 16, 2025.
Ayon sa BOC, dumaan sa non-intrusive inspection ang bagahe ng pasahero sa NAIA Terminal 3 kung saan napansin ang kahina-hinalang imahe na tila may nakatagong kontrabando. Nang isailalim sa pisikal na inspeksiyon, nadiskubre ang 7,005 gramo ng shabu.
Ang operasyon ay isinagawa katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ang NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG). Ang suspek ay haharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Binigyang-diin ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno na ito ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang seguridad laban sa ilegal na droga.
“Ang operasyong ito ay patunay ng aming matatag na paninindigan na pigilan ang pagpasok ng ipinagbabawal na gamot sa bansa at pangalagaan ang kaligtasan ng publiko,” ani Nepomuceno.
Dagdag pa ni District Collector Alexandra Y. Lumontad, nananatiling alerto ang BOC-NAIA laban sa paggamit ng paliparan bilang daan para sa ilegal na kalakalan. “Ang pagkakasabat na ito ay nagpapatunay na ang NAIA ay mananatiling ligtas na entry point para sa ating bayan,” giit ni Lumontad.
