Dalawang Chinese nationals ang naaresto ng Bureau of Immigration (BI) matapos mahuling gumagamit ng pekeng exit clearances sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Agosto 11, 2025.
Kinilala ang mga suspek na sina Li Jiangcheng, 29, at Liao Weibin, 39, na parehong tangkang sumakay ng afternoon flight papuntang Singapore.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, nahuli ang dalawa sa isinagawang redundancy records verification ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES). Lumabas na peke ang kanilang bitbit na exit clearance at kapwa na silang overstaying aliens sa bansa.
Batay sa rekord ng BI, matagal nang lampas sa bisa ng kanilang pananatili ang dalawa—si Li ay nag-overstay mula pa noong 2022 matapos magtrabaho sa isang tech company, habang si Liao naman ay dating empleyado ng isang trading corporation ngunit hindi na nag-renew ng kanyang visa mula pa noong 2023.
Agad silang isinailalim sa kustodiya ng BI’s Border Control and Intelligence Unit at nahaharap sa deportation proceedings dahil sa paglabag sa immigration laws ng Pilipinas. (ARSENIO TAN)
