BAGSAK sa selda ang isang bebot na sangkot umano sa pagbebenta ng ilegal na droga nang maaresto ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Valenzuela City, Huwebes ng Umaga.
Kinilala ni Valenzuela Police Acting Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek na si alyas “Jeng-jeng”, 30, residente ng Arkong Bato, na naaresto ng mga operatiba Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/LT Sherwin Dascil sa F. Valenzuela St., Brgy. Arkong Bato.
Nakumpiska kay ‘Jeng-jeng’ ang humigi’t kumulang 20 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P136,000, buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 at walong P1,000 boodle money, at P200 recovered money.
Bago ang pagkakaaresto sa suspek, ay unang nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba hinggil sa umano’y illegal drug activities ni “Jeng-jeng”.
Nang magawa ng isa sa kanyang mga tauhan na makipagtransaksyon ng droga sa suspek, agad bumuo ng team si Lt. Dascil bago ikinasa ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA.
Matapos matanggap ang signal mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur-buyer na positibo na ang transaksyon, agad lumapit ang back-up na operatiba saka inaresto ang suspek bandang alas-8:30 ng umaga.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 under Article II ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.
